LEGAZPI CITY – Sa pangunguna ng Taragbo Bikol Regional Theater Network, ang ‘Pista nin Teatrong Bikolnon’ ay nagbabalik ngayong taon na gaganapin mula Abril 26 hanggang 29.
Ang nasabing pista ay may temang DÁNAY na ang ibig sabihin ay “𝘤𝘳𝘦𝘢𝘵𝘪𝘯𝘨 𝘷𝘪𝘴𝘪𝘰𝘯𝘴 𝘰𝘧 𝘧𝘳𝘦𝘦𝘥𝘰𝘮” na naglalayong ipakita ang mga talentadong local artists sa Bicol at palakasin ang boses ng indibidwal at komunidad upang maabot ang iba’t ibang aspeto ng kalayaan.
“[Pista] is an avenue to reassess [the] reimagined views and visions of personal, sociopolitical and cultural freedom as affected by pressing issues today,” ani Rollymie Bonilla Jr., secretariat ng Sining Banwa Taragbo Bikol Theater Network.
Ayon naman kay Julie DM Vega, pista secretariat ng Sining Banwa Taragbo Bikol Theater Network, gusto nitong ipakita na buhay ang teatro sa rehiyon dahil na rin sa pagmamahal sa sining ng mga local artists sa teatro.
Samantala, nabuo ang Taragbo dahil sa kagustuhang pagsama-samahin ang iba’t ibang theater companies at magkaroon ng mas malawak na audience na gustong masaksihan ang kanilang mga obra.
“Para sa akin, ang theater ipinapakita ang reyalidad mula sa iba’t ibang sektor, komunidad at sa tingin ko, dahil yun ang naiisip ng bawat theater organizations, nagpapatuloy sila na lumikha ng kwento,” saad ni Vega.
𝐊𝐚𝐩𝐚𝐧𝐠𝐲𝐚𝐫𝐢𝐡𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐭𝐞𝐚𝐭𝐫𝐨
Nagsimula ang Taragbo noong 2019 ngunit hindi natuloy ang kanilang operasyon dahil sa bagyo. Taong 2020 nang muli nilang buksan ang pista sa publiko.
Samantala, masasaksihan ang iba’t ibang kwento sa darating na pista at asahan raw na ang mga performances ay punong-puno ng emosyon at aral na hango sa reyalidad ng buhay.
“Sa bawat dula na ginagawa namin, at some point bilang mga artista, dapat na naniniwala tayo sa ginagawa natin kasi paano natin ipapakita sa audience yung gusto nating ipakita kung hindi tayo naniniwala sa ginagawa mismo natin,” ani Vega.
Dagdag pa niya na kahit magkaiba man ang paniniwala sa performances, ang teatro ay isang midyum upang magkaroon ng koneksyon ang mga director, audience, writer at performer.
“Hindi natin ini-impose sa kanila na dapat same tayo ng pagtingin sa kanila sa mga bagay na ginagawa ng nasa teatro, kumbaga po yung theater ay salamin lang ng buhay. Kung maniniwala ang audience, nagawa po natin ang part natin as a storyteller,” ani Vega.
Samantala, nagbahagi naman si Tiffany Sophia Dorothea Espinosa, Presidente ng Sining Lila – Bicol, tungkol sa kwento ng kanilang dula na ‘Ang mga Bála ni Princess’.
“Ang mga Bála ni Princess ay about sa corporal punishment kung saan ang mga bata [binibigyan natin ng pananakit] so hopefully ang mga magulang…[malaman na mali po yun na ang pagmamahal hindi masakit at hindi nakakasakit,” ani Espinosa.
Ayon din sa mga performers, maraming mga pagsubok ang kanilang naranasan sa paghahanda ng nasabing palabas dahil karamihan sa kanila ay mga estudyante ngunit nalagpasan naman nila ito dahil sa kanilang passion sa teatro.
Nagpapasalamat naman si Vega sa maraming volunteers na tumutulong sa kanila para maging matagumpay ito.
Magkakaroon din ng iba’t ibang aktibidad para sa mga kalahok tulad ng solidarity camp, parade, Taragbo directors forum at Taragbo community performance.
Samantala, ang minimum students’ ticket ay nagkakahalaga ng P100 per set, para naman sa regular with free popcorn ay P150, at ang all access ay nasa P600.
Gaganapin ang mga nasabing theater performances sa Cinema 4, Ayala Malls Legazpi. I Nicole Frilles
Photos: God Frey Las Piñas