Naisipan ng kindergarten na guro sa Nursery Elementary School sa Brgy. Nursery, Masbate City na gawing tila kastilyo ang kanyang classroom.
Ayon kay Teacher Rhodora Alba, maganda ang naging epekto ng castle classroom sa kanyang mga kinder na mag-aaral. “Nae-engganyo ang mga bata na pumasok araw araw habang suot nila ang kanilang crown. Araw-araw nagkakaroon kami ng pagbabasa at dito sila nahilig magbasa ng mga aklat, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga bata na maging isang prinsesa at prinsipe”, ani Teacher Rhodora.
Ang mga magulang raw ang bumili ng mga korona ng mga bata na iniiwan sa classroom tuwing uwian upang isuot nila ulit kinabukasan pagpasok sa eskwela. Maging ang ibang grade level raw ay bumibisita sa naturang classroom upang mag-ala prinsesa o prinsipe nang panandalian. May mga nag-aakala nga raw na may entrance fee pag pumasok sa kanyang castle classroom.
Malaki naman ang pasasalamat ng guro sa mga magulang na todo suporta sa kanyang proyekto.
Pinuri naman ng principal ng eskwelahan ang ideya ni Teacher Rhodora. Ani Ginoong Alfredo R. See Jr., “This castle theme is a very good strategy and that’s why all classrooms will be classroom themed na”.
Photos: Jonathan Morano