Matapos ang halos sampung buwan na pagka-stranded sa barkong Sky Fortune, tuluyan nang nakababa ang 8 Pinoy crew, ngayong araw, Nobyembre 11.
Sa tulong ng Philippine Coast Guard Albay, Bureau of Quarantine DOH Manila, at Bureau of Customs Legazpi ay ligtas na nakababa ang mga Pinoy.
Matatandaan na Enero 19 ngayong taon nang sumadsad ang barko sa Malinao, Albay na dahilan upang mabutas ito at mabasa ang mga pangargang bigas. Kinasuhan ng consignee ang may-ari ng barko subalit dahil hindi ito nagpapakita ay na-stranded ang mga crew sa barko.
Natuwa naman ang mga Pinoy crew na tuluyan na silang nakababa sa barko upang makasama na ang kanilang mga pamilya. Mula pa sa Quezon City, Manila, Cebu, Siquijor, Samar, Iloilo, Sultan Kudarat ang mga tripulanteng ito.
“Masaya po [sa pakiramdam na makababa na ng barko] dahil makakasama na namin ang aming pamilya,” ani Jessie Robert Osit, crew ng barko.
Masaya rin ang pamunuan ng Coast Guard Albay sa pagbaba ng mga Pinoy crew kahit medyo natagalan raw. Ayon kay Commander Jeffrey Collado, Station Commander ng Coast Guard District Albay, babalik raw mula sa Maynila ang mga ito upang iproseso ang kanilang mga dokumento at baka magkaroon raw ang mga ito ng panibagong vessel assignment.
Samantala, may 3 pang natitirang tripulante sa barko. Dalawa rito ay Burmese at isang Chinese.
Nananatili naman ang barko sa Tabaco City dahil sa kasong isinampa sa may-ari nito. I via Jona Bagayawa
Photos: Lecile Moralina