Isang lalaki, patay sa pamamaril sa Tinambac, Camarines Sur

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng dalawang suspek sa San Ramon, Tinambac, Camarines Sur kahapon, Nobyembre 11, bandang 2:40 ng hapon.

Nakasakay umano sa motorsiklo ang mag-amang Joefran Bolalin at Francisco Bolalin nang bigla silang habulin ng dalawang lalaki at pagbabarilin. Tinamaan si Francisco sa likod at humandusay sa kalsada. Samantala, nakatakas naman ang anak niyang si Joefran na siyang nagsumbong sa pulisya.

Ayon sa Tinambac PNP, may layong halos 15 kilometro mula sa istasyon ng pulisya ang pinangyarihan ng krimen at mahina rin ang signal sa lugar.

Isinugod pa sa hospital ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival.

Away sa lupa ang pinaghihinalaang motibo ng mga suspek sa pamamaril sa biktima.

Kinilala naman ang dalawang suspek na sina Leo Bolalin at Elbiligildo Bolalin na patuloy pang pinaghahanap ng pulisya. I via Jona Bagayawa

Share