Pinatunayan ng 43 ayos na si Contacio “Jetro” Ajero mula sa Brgy. 6, Camalig, Albay na hindi hadlang ang pagkakaroon ng kapansanan upang magpursige sa buhay.
Si Contacio o mas kilala sa palayaw na “Jetro” ay pang-apat sa pitong magkakapatid. Ipinanganak si Jetro na mayroong kondisyong tinatawag na lower limb deformity.
Pero hindi ito naging hadlang kay Jetro. Gamit ang kanyang maliit na upuang de gulong na gawa sa kahoy, nagbebenta si Jetro ng isda kasama ang kaniyang panganay na kapatid na si Danton. Si Danton ang nagsilbing mga paa ni Jetro mula nang sila ay mga bata pa.
Ngunit sa kabila ng pagtitinda ng isda, kulang pa rin umano ang kanilang kinikita kaya namamalimos si Jetro sa iba’t ibang lugar.
Sa kabila ng kaniyang kondisyon, patuloy siyang lumalaban para sa kanyang pamilya. Ang tanging payo ni Ajero sa mga taong may kapansanan ay huwag sumuko sa buhay.
“Lumaban. Di bale na may kapansanan ka, kaipuhan mong lumaban sa pagkabuhay ngayon.” | Ree-ann Cawaling