‘The Caffeine Dealer by Overgear,’ ito ang ipinangalan ng 21-anyos na nursing student na si Alpher Gallo mula Daraga, Albay, sa kanyang kakaibang estilo ng pagnenegosyo gamit ang kanyang bisikleta.
Sipag at diskarte, ito ang nagsisilbing puhunan ni Gallo upang maging patok sa kaniyang mga mamimili ang ibinebenta nitong kape tuwing sasapit ang alas-4 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi sa Puro, Legazpi City.
Nitong Hunyo nang simulan nya ang ideya sa pagne-negosyo.
Wala mang karanasan sa pagiging barista, malaki ang pasasalamat nito sa kanyang naging mentor na si Jev Vargas, may-ari ng Brew Vroom Café and Coffee Bar sa Legazpi City na nagturo sa kaniya sa proseso ng pagtitimpla ng kape.
Ilan sa mga best seller sa kapehan ni Gallo ay ang salted caramel at caramel macchiato.
Sa mga unang araw pa lamang ng kaniyang pagne-negosyo ay lumalagpas sa quota na 10-20 cups ang naibebenta nito, ngunit may mga pagkakataon na hindi nakiki-ayon ang panahon sa kaniyang negosyo.
Bilang isang nursing student, ramdam nito ang bigat at stress sa pag-aaral kaya’t naisip niya rin ang ideyang ito upang magkaroon ng mapagkaka-abalahan ngayong bakasyon.
Bukod pa rito, marami rin itong pinagkakagastusan sa pag-aaral kaya’t isa sa mga paraan niya upang makatulong sa magulang ay ang pagdidiskarte na makaipon pandagdag sa kanyang allowance.
Aminado si Gallo na marami pang kulang sa kanyang kapehan at kapag nagpatuloy ang malaki nitong kita, plano niyang i-upgrade sa isang cart na nakakabit sa kaniyang bisikleta at punan ang mga kakulangan gaya ng payong, lamesa, upuan at iba pa.
Ang negosyong ito ni Gallo ay hindi lamang nakatuon sa kanyang sarili, ito rin ay pagpapakilala sa kanilang grupong tinawag na ‘Overgear’ na ang layunin ay maging matagumpay at kumita ng pera sa larangan ng pagnenegosyo. | Jeric Lopez