Kaugnay ng abnormalidad ng Bulkan Mayon, hindi mapigilang magbalik tanaw ang isang netizen na si Elsie Noga sa nangyari sa kanyang kapatid na si Terso Noga nang sumabog ang bulkan noong Pebrero 1993.
Ayon kay Elsie, musmos pa lamang at nasa unang baitang siya nang madisgrasya ang kapatid habang ito ay nagtatanim sa Barangay Bonga, Legazpi City malapit sa bulkan Mayon.
“Niyaya siya ng kumpare niya [na] tignan ‘yung mga tanim nila sa bukid. Hind nila [inakala] na ganoon [ang] mangyayari. Sumama din kapatid ko [at] kuwento ng asawa niya bigla na lang daw nagdilim [ang] paligid ng bulkan, nag-ashfall na umabot dito sa Ligao,” kuwento ni Elsie.
Ibinahagi rin ni Elise ang paglalarawan ng tatay niya sa nabanggit na bukid matapos umakyat para hanapin ang kapatid. Nakita raw nito ang mga sunog na katawan na nakasabit sa taas ng puno.
Hindi na raw makilala ng ibang mga kapamilya ang katawan ng mga pumanaw sa trahedya dahil sunog ang mga mukha nito habang ang iba naman ay putol-putol na ang paa at braso.
“Sobrang nakakalungkot sa kabila ng kagandahan ng bulkang Mayon ay marami din ang buhay na nasawi dahil sakaniya,” sabi ni Elise.
Bilang babala, nais iparating ni Elise sa mga taong malapit sa danger zone na mag-ingat at sumunod sa mga abiso upang hindi na maulit ang hiklabot ng nakaraan. | Regina Dioneda