Climb for a cause sa Mt. Bulusan

Pinangunahan ng grupong Climb Against Cancer Pilipinas kasama na ang ilang mountaineers at hikers ang pag-akyat sa Mt. Bulusan sa probinsya ng Sorsogon nitong June 11 hanggang 12.

Ayon kay Nini Andrada Sacro, isang art director at founder ng nasabing grupo, ito na ang ikalawang beses nila na pagbisita at pag-akyat sa Mt. Bulusan kung saan pinagdarasal nila sa tuktok ng bundok ang mga cancer patients.

Sa isang panayam sa Bicoldotph, ibinahagi ni Sacro na noong mga panahong binuo niya ang Climb Against Cancer Pilipinas ay nakikipaglaban din sa sakit na cancer ang dalawa sa kaniyang mga kapatid. 

“Mainly when I founded the group in 2010, ang objective talaga is to pray for cancer patients nationwide. Twenty-five mountains simultaneous climbing. At the summit, we say a prayer for cancer patients. That time kasi, two of my siblings were undergoing treatment for cancer so sabay po ‘yung dalawa kong kapatid, stage four,” dagdag pa nito.

Ang pagbisita ng grupo ay siya ring naging daan upang mahatiran ng tulong ang mga bata sa ilang malalayong komunidad sa Bulusan, Sorsogon gaya ng Cogon at Salvacion Elementary School.

Bitbit ang mga school supplies at iba pang handog, bumibisita ang grupo sa mga paaralan na nasa paanan ng inaakyat nilang bundok upang mamahagi nito.

“Kaya kami nagdadala ng school supplies kasi we want to address ‘yung cancer ng kamangmangan, cancer ng kahirapan. We also have a community kitchen, sagot na rin yon sa cancer ng gutom. Parang hindi na siya sakit lang na pisikal, it’s also sakit ng lipunan,” saad ni Sacro.

Bukod sa pamimigay ng mga school supplies katuwang ang iba’t ibang partner organizations, nagsasagawa rin si Sacro ng art-reach o art therapy sessions para sa mga batang biktima ng mga karahasan.

“We try na through art, makalma sila, makapagkwento sila ng mga bagay-bagay. Para makwento nila ang mga hindi nila naibabahagi at malaya sila na mag-express ng feelings through art.” | Danica Roselyn Lim

IMG 0263
IMG 0262
IMG 0265
Share