DALA NG ALON PARA SA’YO

Nagsimula sa loob ng Bicol University College of Industrial Technology (BUCIT) ang kwento ng 3rd year Civil Technology student na si Alfie Anzano nang ilako niya ang noo’y mga gawa niyang handmade bracelets kasama ang kaniyang mga kaibigan sa mga estudyante sa loob ng campus.

Sa edad na 21, bukod sa pagiging bokalista ng lokal na bandang ‘Ningas,’ nasimulan niya rin ang Alon.ph katulong ang kaniyang partner na si Rica Joy Cadag mula sa Pilar, Sorsogon na kasalukuyang nag-aaral naman ng kursong Education. 

Ang mga inilalako noon ni Anzano ay naging Alon.ph na ngayon kung saan naibibenta na nila ang halos 70 bracelets, anklets, at chokers sa loob ng isang araw sa pamamagitan ng kanilang social media accounts at paglalatag ng kanilang mga produkto sa Sawangan Park, Legazpi City, mula alas-4 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi. 

Bukod sa kanila, hands-on din sa pagtulong sa small business at rising handicraft shop na ito si Carl Llaguno, 2nd year Drafting Technology student mula rin sa BUCIT na siyang naging daan upang makapagtinda si Anzano sa naturang pwesto sa parke. 

Nabuo ang pangalang Alon.ph dahil sa hilig ng mag-partner na magpunta sa dagat tuwing gusto nilang mamasyal at manuod ng mga alon. 

Ang mga handicrafts na gawa sa wax cords ay matiyagang ginagawa ni Cadag at ibinibenta sa halagang P50 para sa mga plain bracelets, P60 para sa mga minimalist bracelets na may pendants, P120 para sa mga chokers na gawa sa shell, at P70 naman para sa mga anklets na iba-iba ang disenyo. 

Ayon kay Anzano, malaking tulong umano ito sa kaniyang pag-aaral pati na rin sa kaniyang partner. 

Nitong Sabado, Hunyo 2, muli silang naglatag ng kanilang mga itinitindang handicrafts kung saan sila ay dinagsa ng mga mamimili mula pa sa iba’t ibang munisipalidad at siyudad sa lalawigan ng Albay. 

Abangan ang kanilang mga susunod na skedyul sa paglalatag sa Sawangan Park ngayong linggo. | Danica Roselyn Lim

  • TikTok: @alon.ph_handicrafts
  • Instagram: @alon.ph_handicrafts
  • Facebook: alon.ph
1
2
4
Share