PESTENG LANGAW SA MAYON, DARAGA, INIREKLAMO NG MGA RESIDENTE

Daraga, Albay — Alas sais ng umaga, Mayo 20 ay nagtipon-tipon ang mga residente ng mga barangay ng Mayon at San Ramon sa harap ng Six In One Corporation (SIOC) poultry farm, sa pamumuno ni Bro. Leo Montales ukol sa fly infestation na dulot ng nasabing korporasyon.

Pinamunuan ni Bro. Leo Montales ng Urban Missionaries of the Heart of Christ Inc. at chairman ng Parish Commission on Social Concerns of Our Lady of Salvation Parish ang protesta laban sa SIOC poultry farm na nagdudulot umano ng perwisyo sa kanilang komunidad dahil sa sandamakmak na pesteng langaw sa Sitio Tugos, Mayon, Daraga, Albay at sa iba pang karatig barangay nito.

“An mga tawo dae man pwedeng mag silensyo kung sinda talaga nakakamati na ning sobra-sobrang pagtios dahil ngani sa fly infestation o sobrang langaw. Dae na normal an samuyang buhay dahil sa abnormality kan environment,” saad nito.

[Trans: Hindi pwedeng manahimik na lang ang mga tao kung sila ay nakakaramdam talaga ng sobra-sobrang paghihirap dahil nga sa fly infestation o sobrang langaw. Hindi na normal ang aming buhay dahil sa abnormality ng environment.]

Dagdag pa nito, hindi naman nila ipinagkaka-ila ang mabuting dulot ng SIOC sa kanilang komunidad lalo pa’t isa ang korporasyon sa nagbibigay ng kabuhayan sa mga lokal na residente.

Noong nakaraang taon pa nagsimulang mamerwisyo ang mga langaw sa nasabing mga barangay na umaabot lamang ng tatlo hanggang limang araw, subalit ngayon ay tumatagal na nang higit sa isang buwan.

“Last month, sagkod ngunyan siguro sa estimate ko lang ano po? siguro mga ten times more su langaw. Somehow, su mga previous fly infestation, kaya pa man pagpasensyahan. Pero su ngunyan talaga, dae na!”

[Trans: Siguro po sa estimate ko, last month, hanggang ngayon. Siguro mga ten times more ang langaw. Somehow, ‘yung mga previous fly infestation, kaya pang pagpasensyahan. Pero ‘yung ngayon, hindi na!]

Bumisita sa nasabing rally si Daraga Mayor Awin Baldo at idineklara sa mga residenteng nagprotesta ang pagsususpende sa operasyon ng SIOC na pinagtibay sa pagpataw ng Cease and Desist Order (CDO) epektibo sa Lunes, ika-22 ng Mayo, base sa rekomendasyon ng Composite Monitoring Team.

Ayon sa punong-barangay ng Mayon, Daraga na si Isidro Morano, nagkakaisa ang Brgy. San Ramon at Mayon upang ma-inspeksyon ang SIOC poultry farm tatlong beses sa isang buwan habang pansamantala itong nakasara. 

Dito, mamo-monitor ang mitigation measures na ginagawa ng SIOC upang patunayan na may kakayahan silang magbalik operasyon muli.

Samantala, sinubukan ng Bicoldotph kunin ang panig ng SIOC poultry farm ukol sa reklamo sa kanila ng fly infestation ngunit tumanggi itong magbigay ng pahayag. | Allyza Morcozo, Stephanie De Leon, at Regina Dioneda

345867557 1313648226167171 8182413589148950280 n
345539363 1445343772903698 8877751098305677331 n
348354642 611380404276980 1285221940954255194 n
348371590 1315059032745327 6089846494746784878 n
348358978 1715605592203613 1182137112920354335 n

Photos: Leo Montales

Share