LEGAZPI CITY — Pangalawang book launching ng tanyag na manunulat na si Dr. Christine S. Bellen-Ang para sa kaniyang librong ‘Hagibis Ang Tandang Na Ayaw Maging Pansabong’ ang ginanap sa Tugawe Cove Cafe, Naga City nitong Sabado, Hulyo 8.
Una nang inilunsad sa publiko ang nasabing libro sa World Trade Center sa Pasay, Metro Manila, bilang bahagi ng Philippine Book Festival noong Hunyo 2 at balak ganapin ang susunod na book launching nito sa isang sabungan.
Ang libro ay isang pambatang babasahin patungkol sa isang tandang na may bukal na kalooban at ayaw sa marahas na ganap ng sabungan, taliwas sa kaniyang tradisyon at kultura na iginuhit nina Mary Anne M. Querubin at Gi Garcia.
Sa pagsusulat ng Hagibis
Ang librong ‘Hagibis Ang Tandang Ayaw Maging Pansabong’ ay nabuo sa isang konsepto mula sa isang klase ni Dr. Christine Bellen-Ang sa kasaysayan kung saan naitalakay na ang sabungan sa panahon ng kastila ay nagiging teatro sa gabi.
Pumukaw din sa interes ni Dr. Bellen-Ang ang mga dulang dating naisadula sa sabungang teatro tulad ng Kahapon, Ngayon, at Bukas ni Aurelio Tolentino at ang Walang Sugat ni Severino Reyes.
Naging inspirasyon ni Dr. Bellen-Ang sa pagsulat ng Hagibis ang kaniyang paboritong kwentong pambata na Ferdinand the Bull ni Munro Lead at katulad ng librong Hagibis, patungkol ito sa isang mabangis na hayop na mahilig mang-amoy ng mga bulaklak imbis na lumahok sa isang marahas na aktibidad.
Nabanggit din na magiging dula ang Hagibis sa hinaharap dahil sa naging kasaysayan ng sabungan.
Hagibis bilang salamin ng patriyarkal na lipunan
Sinasalamin ng librong Hagibis ang patriyarkal na lipunan sapagkat tampok sa nabanggit na libro ang pagtatanghal ng bangis at agresyon ng mga lalaking hayop sa kapakanan ng kanilang reputasyon at puri.
“Tungkol din ito sa entabladong nagtatanghal sa mga inaasahang katangian ng mga pagmamalabis, muchacho ng mga taong macho sa mga lalaking hayop, na sa kanilang pagtitimpi ng agresyon ng pagiging hayop at kinakailangang lumikha ng mga ganitong tradisyon at ritwal upang mapanatili ang bisa ng kanilang mga tite,” sabi ni Dr. Bellen-Ang sa isang mensahe.
Binigyan katarungan ng karakter niyang si Hagibis, ang tandang ayaw maging pansabong, ang oposisyon sa mundong kumukondisyon sa pagiging agresibo ng mga kalalakihan o ng mga mababangis na tandang pansabong.
“Sa kuwento, pinalalaya ko ang mga hagibis ng mga nakalipas at kasalukuyang panahon. Hubad sa kasarian ang kaniyang mga pangarap,” pagtatapos na salita ni Dr. Bellen-Ang.
Bagaman may mga naturang tema sa ibang eksena sa libro ay child-friendly pa rin naman ito.
Sa pagguhit kay Hagibis
Isang 38 anyos na pintor na si Mary Anne Querubin ang napagkatiwalaan sa pagpinta ng mga larawang ginamit sa librong Hagibis.
Sa canvas at sa tradisyunal na pamamaraan ipininta ni Querubin ang mga larawan. Inabot raw siya ng mahigit kumulang isang linggo para ipinta ang isang piyesa.
Sa isang panayam sa Bicoldotph, inamin niyang bago at mahirap para sa kanya ang magtrabaho sa proyektong ito dahil masyadong makulimlim ang natural na kulay ng mga manok upang magamit sa pambatang libro.
Gayunpaman, naging matagumpay pa rin si Querubin at nabigyan ng buhay ang mga karakter at kaganapan sa libro sa paggamit ng kulay bughaw at rosas na siguradong nakakasiya sa mga mata ng bata.
“Kaya nasa-isip ko paano ko ‘to pagagandahin or pamumukhaing kaibig-ibig para sa mga bata,” ani Querubin.
Maaaring ring masilip ang mga orihinal na obra ni Querubin sa Tugawe Cove Cafe hanggang sa ika-31 ng Hulyo.
Sa pagdisenyo ng librong Hagibis
Si Gi Garcia naman na isang 28 anyos na artist ang naging responsable sa naging disenyo at pabalat ng librong Hagibis.
Ayon kay Garcia, nahirapan siyang ilarawan sa isip ang mukha ng sabungan dahil sa bihira lang ang mga babaeng tulad niya na makasilip ng tupada, lalo na’t may paniniwala ang mga matatanda na malas umano ang kababaihan sa sabungan kaya kinailangan niya pang magsaliksik sa kung ano ang mukha ng sabungan.
“I did my research kung ano itsura ng sabungan and sabi ni sir KC [Kristian Cordero], I’m not allowed to use miss Mary Anne’s artwork sa cover. Pero I need to do my own version, my own interpretation. I also had my part to interpret,” anii Garcia.
Naibahagi niya rin na naging inspirasyon niya ang album cover ng Future Nostalgia ni Dua Lipa, kung saan ay gumuhit siya ng buwan bilang pandagdag ng misteryong elemento dito.
Maaaring mabili ang libro sa halagang 500 pesos sa Savage Mind Arts Books Cinema, Naga City. | Regina Dioneda