Pinatunayan ng 22-anyos na PWD mula sa Daet, Camarines Norte na si Alchie Salinas ang katatagan nito sa paglikha ng sining habang may nakasuportang oxygen tank sa tuwing magpipinta ito.
Si Salinas ay may orthopedic disability, bukod pa rito ay may iba pa itong karamdaman gaya ng ischemic heart disease at epilepsy.
Kahit may kapansanan, patuloy pa rin nitong binibigyan ng makulay na buhay ang sarili sa pamamagitan nang pagpipinta na may guhit ng inspirasyon at pag-asa sa buhay.
Maraming kompetisyon na ang sinalihan ni Salinas magmula noong 2020, pinakaunang paglikha nito ay gamit ang acrylic paint sa panlalawigang paligsahan sa pagpinta na inilunsad ng Museo Bulawan sa Camarines Norte.
Ginagamit ni Salinas ang oxygen tank kapag ito ay nahihirapan huminga at kapag nahihilo pero dahil sa kagustuhan nitong gumawa ng magagandang obra kahit inaabot ng atake sa iniindang karamdaman ay patuloy pa rin ito sa kaniyang ginagawa.
Bayanihan Art Awards
Nitong Mayo 30, itinanghal na unang puwesto sa Bayanihan Art Awards ang obrang gawa ni Salinas sa Bulwagang Villegas ng Manila City Hall.
Ang bayanihan art awards ngayong taon na pinasimulan ng Fernando C. Amorsolo Art Foundation Inc. ay nakasentro sa pagbibigay halaga sa mga taong may kapansanan na maipamalas ang kanilang talento sa pagguhit at maipakita ang kanilang katatagan sa gitna ng mga sakuna gaya ng pandemya.
Ang nasabing patimpalak ay pinasimulan sa preliminary screening kung saan ibinida ni Salinas ang kaniyang obrang may titulong ‘ANG HANDOG KONG ABAKADA’ na may larawan ng mga batang mag-aaral kasama si Salinas habang sa final competition naman ibinida nito ang isang artwork na may titulong ‘Stillness Amidst Movement.’
Inilarawan niya sa kaniyang winning piece ang kalagayan nito bilang isang PWD na hindi nakakaranas ng mga pisikal na gawain, nanatiling nakaupo, nanonood, at bawal mapagod ngunit sa kabila nito nagiging positibo si Salinas na mahalagang tanggapin ang sarili dahil may mga bagay na hindi kaya o pwedeng gawin.
Binigyang importansya rin ni Salinas ang mga kapwa nya may kapansanan sa tagumpay na ito, sinabi niyang ang salitang ‘disability’ ay hindi masama, reyalidad ito ng karamihan sa mundo, ang kailangan lamang ay tanggapin ito ng buo. | Jeric Lopez
Photos: Alchie Salinas