From Broken to Beautiful: Seaglass Sonata

“From Broken to Beautiful” ang tagline ng Seaglass Sonata, isang tampok na pamilihan sa Virac, Catanduanes ng mga palamuti sa katawan gamit ang mga napulot na seaglass o mga basag na bote na pinakinis ng dagat at panahon.

Samu’t-sari ang mga produkto ng Seaglass Sonata tulad ng kuwintas, hikaw, singsing, at iba pa na maaaring nagkakahalaga ng 150 hangang 700 pesos kung ito ay wirewrapped, at mahigit 1500 pesos naman kung ito ay nangangailangan pa ng silversmithing.

Nagsimula ang interes ng entrepreneur at 46 anyos na si Lynn Marjorie Camson sa mga seaglass noong nakakita siya’t nahalina sa mga ito noong minsang kinukuhaan niya ng litrato ang bukang liwayway sa tabing dagat sa Virac, Catanduanes.

Agad namang nagsaliksik si Camson patungkol sa mga seaglass at naisipang gawing isa sa mga napakarami niyang libangan na hindi kalaunan ay napagkakakitaan niya na rin noong kalagitnaan ng taong 2017. 

“Gusto ko ring umalis sa employment, yung may guilt sa time etc., kaya lahat ng pinupursue kong hobby ay parang part ng business at pagkakitaan. So ayun, naisip ko na ‘ah may potential tong seaglass’ since unique ito and medyo abundant naman yung supply ng seaglass dito sa isla,” ani Camson. 

Inihahalintulad rin ni Camson ang Seaglass Sonata sa buhay ng mga tao kung saan ito ay nagkaroon ng pagbabagong anyo— mula sa basurang mababasaging bote patungo sa mas pinagandang palamuti na sa tingin niya ay unibersal na naiintindihan ng mga tao. 

“Lagi namang may healing at transformation process na nagaganap naman diba and lahat naman siguro ng tao at some point in their lives is dumaan sa pagiging ganun— ang mga challenges, trial, ang pagiging broken. And mas nagiging relatable yung product ko sa mga tao,” sabi niya.

Dagdag pa nito, mag-isa niyang ginagawa ang kanyang mga produkto kaya iilan pa lamang at puro mga pambabaeng disensyo lang muna ang kaya niyang malikha. | Regina Dioneda

viber image 2023 06 02 11 36 30 082
viber image 2023 06 02 11 36 59 330
viber image 2023 06 02 11 36 38 988
viber image 2023 06 02 11 36 50 217
viber image 2023 06 02 11 36 45 063
viber image 2023 06 02 11 37 04 857
IMG 1477
IMG 1478
IMG 1476
IMG 1479
IMG 1475
IMG 1480

Photos: Bicolano Man, SeaGlass Sonata

Share