Hindi inakala ng mga manlalaro mula Xavier University Rodeo Enthusiast at Mapawa nang kikilalanin sila bilang Rodeo King and Queen sa katatapos lamang na Rodeo National finals na nagsimula noong Abril 11 hanggang 15.
Kwento ni Kate Nicole Neri Yamaro, ang Rodeo Queen sa student category mula sa Xavier University Rodeo Enthusiast Organization, Cagayan de Oro, ang mabigyan ng pagkakataon na makapaglaro sa national finals ay malaking karangalan na para sa kanya. Hindi aniya madali na masungkit ang titulong ito sa kadahilanang maraming malalakas at matitibay na players.
Naging sulit naman para sa kaniya ang oras na ginugol nya sa pag-eensayo na maliban sa regular na training, naglalaan pa siya ng panahon upang mas lalong mahasa pa ang kanyang kakayahan.
Para naman kay Fritz Dexter Doron na isa rin sa manlalaro ng Xavier University Rodeo Enthusiast Organization, hindi nya inaasahan na makukuha niya ang tropeo ng Rodeo King student category.
Hangarin lamang nila na makuha muli ang championship sa taong ito. Malaking bonus rin para sa kanila ang titulong ito dahil muling nasungkit ng kanilang team ang championship sa men at women category.
Ayon naman kay Jim Abriol, ang Rodeo King sa professional category mula sa Mapawa team, ang pagkakaroon ng focus at disiplina sa sarili ang nagbigay sa kanya ng pagkakataon na makuha ang titulo.
Payo naman nila sa mga gustong maging katulad nila, kailangan palaging handa ang sarili lalo na ang katawan sa bawat pagsabak sa laro, magkaroon ng mabuting pakikitungo sa kasamahan at higit sa lahat ang pananalig sa Diyos. I Jonathan Morano