Pinarangalan ang Bicolanang Alternative Learning System (ALS) teacher mula Camalig, Albay bilang Asia’s Most Splendid and Inspiring ALS Teacher of the Year sa 6th Asia Pacific Luminare Awards.
Hindi maikubli ang sayang naramdaman ng 41 anyos na ALS teacher na si Gng. Ana Marie Herrera Jacob sa prestihiyosong international award na natanggap niya. Kwento niya, hindi madali maging isang ALS teacher dahil kaakibat na nito ang pagsasakripisyo maturuan lamang ang kanyang mga estudyante.
“Kung ang doctor po ay tagadugtong ng buhay kami naman [na mga ALS teacher] ay tagadugtong ng pangarap. Sa pamamagitan po ng award na nakuha ko, mas lalo pa akong na-inspire na galingan pa sa aking trabaho,” ani Gng Jacob.
Sampung taon ng guro sa ALS si Gng. Jacob. Noong una pa lamang ay malapit na raw ang puso niya sa mga out-of-school youth dahil nais niyang matulungan ang mga itong makahanap ng magandang trabaho.
“Nakikita ko kasi na kapag wala kang diploma, mahirap makahanap ng trabaho. Kaya through Alternative Learning System ipinapangaral ko sa mga estudyante ko na dapat magtapos sila ng pag-aaral para maging maganda ang buhay nila,” saad niya.
May kabuuang 75 estudyante si Gng. Jacob na sinisikap niyang maturuan. Siya raw mismo ang naghahatid ng modules sa mga estudyante niya lalo na sa mga may trabaho.
Bukod sa dedikasyon sa pagtuturo, nag-isip pa ng mga alternatibong pamamaraan si Gng. Jacob upang makatulong sa kanyang mga estudyante. Noong kasagsagan ng pandemya ay nagtayo siya ng ALS Community Pantry para sa mga estudyante niya.
“Napansin ko kasi ‘yung mga learners ko na hindi [nakakapasok] dahil walang pamasahe. So ang ginawa ko, with my own money pinupuntahan ko sila at nagdadala ako ng ayuda. Nag-create na din ako ng ALS Community Pantry para sa mga learners ko at sa community na din namin,” pahayag ni Gng. Jacob.
Sa ngayon, pinagpapatuloy pa rin ni Gng. Jacob ang pagbibigay ng suporta sa kanyang mga estudyante sa pamamagitan ng iba’t ibang programa tulad ng Gulayan sa ALS. Gumawa rin siya ng sarili niyang negosyong Anne Infinity kung saan ang mga estudyante niya ang nagbebenta ng mga beauty products at ang tubo nito ay sa kanila na napupunta. Dagdag pa rito, mayroon na din siyang binuong Star Lady Charity Care para mas lalo pang matulungan ang mga estudyante niya.
Bukod sa pagiging ALS teacher, isa ring butihing ina at maybahay si Gng. Jacob sa apat niyang anak at asawa.
Nakatakda namang tumanggap pa ng dalawang parangal sa susunod na taon si Gng. Jacob. Isa rito ay isang international award pa habang ang isa naman ay national award. I via Jona Bagayawa
Photos: Ana Marie Herrera-Jacob