Nilahukan ng 270 kabataan ang inilunsad na ERT (Emergency Response Team) Youth Rescue Jamboree ng lokal na pamahalaan ng Mobo, Masbate.
Ayon kay Richard M. Lupango, MDRRMO Chief, Mobo Masbate, ito ang kauna-unahang jamboree sa lalawigan na layon na masubukan at i-showcase ang kakayahan ng katabaan pagdating sa rescue at disaster risk reduction.
Nagpaligsahan ang mga youth organizations mula sa 26 na mga barangay ng bayan ng Mobo gaya ng rescue relay, hose throwing, patient carries relay, bucket relay at tug of war. Pero bago ang paligsahan ay sumailalim muna sila sa training hinggil sa first aid at basic life support at ang naturang paligsahan ay magsusukat na rin sa kanilang natutunan sa training.
“Ang objective ng activity is to really showcase at least sa panahon na ito yung mga kabataan natin na dapat partner natin, kahit gaano pa kahanda o kagaling ang tao sa MDRRMO hindi namin kaya hatiin ang oras namin para iligtas lahat. Naisip namin bakit hindi namin i-tap yung kabataan kasi isa rin sa objective is magkaroon ng culture of change sa mga kabataan na hindi lang porke bata ka wala kang kaalaman, na hanggang laro ka lang”, ani Lupango.
Malaking bagay rin daw ang pagsasanay na ito para mailayo sa bisyo ang mga bata ngayon dahil nabibigyan sila ng responsibilidad, ayon kay Mayor Raymund Osmundo Salvacion ng Mobo Masbate.
“Masaya ako ngayon dahil nakita ko na naka graduate ang mga kabataan sa kanilang training and masaya rin ako dahil ready na ang ating team para sa anumang disaster”, saad pa ni Alkalde Salvacion.
Ikinatuwa rin ni Jessica Candidato, Youth ERT ng Barangay Pinamarbuhan ang aktibidad na ito. “Napakalaking karangalan at kaalaman po ito sa aming mga kabataan. Unang-una po, magagamit namin ang kaalamang ito sa aming pamilya, pangalawa, napakalaking tulong ang maibibigay namin sa aming komunidad, makakatulong kami sa MDRRMO o Mobo sa pagresponde sa oras ng sakuna”.
Photos: Jonathan Morano