Kaso ng HFMD sa Albay, patuloy na tumataas

LEGAZPI CITY, ALBAY (PIA) — Pinag-iingat ng Department of Health – Bicol at Albay Provincial Health Office (Albay Pho) ang publiko sa tumataas na kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD) sa lalawigan.

Sa press conference ng DOH Bicol CHD nitong Martes, iniulat ni APHO  Epidemiology and Surveillance Unit Coordinator Jed Bailon na nasa 585 na kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD) ang naitala ng Provincial Health Office (PHO) Albay mula Enero 6 – Nobyembre 26 2022.

Sa bilang na ito, nasa 400 o pinakamataas na bilang ang mula sa mga batang edad isa hanggang limang taong gulang.

Pumangalawa ang 140 na kaso ng may edad anim hanggang sampung taong gulang, 29 a 0-11 month old, 12 sa edad 11-15, tatlo sa 16-20 at isa sa 21-25. Mahigit 45% o 283 ang mga babae at 52% o 302 ang mga lalaki.

Dagdag pa ni Bailon, bayan ng Oas ang may pinakamataas na kaso sa bilang na 162. Sumunod ang Legazpi City (107), Guinobatan (73), Daraga (55), Camalig (50), Tiwi (30), Tabaco City (25), Sto. domingo (16), Polangui (16), Malilipot (16), Manito (14),  Rapu rapu (13) at Ligao City (walo).  

Sa datus ng DOH nitong Enero 1 – Nob 19, lalawigan ng Sorsogon ang may pinakamataas na kaso sa bilang na 256, Albay (157), Masbate (47), Catanduanes (11), CamSur (apat)  CamNorte (tatlo).

𝙎𝙞𝙣𝙩𝙤𝙢𝙖𝙨 𝙖𝙩 𝙥𝙖𝙜-𝙞𝙬𝙖𝙨

Ayon kay DOH – CHD Bicol Infectious Disease Cluster Head Dr. Janish Alcalla Arellano, kadalasang sintomas ng HFMD ang lagnat, masakit na lalamunan, pagkawala ng ganang kumain, mga pantal sa kamay, palad, talampakan ng mga paa, at maselang bahagi ng katawan.

Aniya, kung may ganitong sintomas ay agad na komunsulta sa doktor o pinakamalapit na health center. 

Ang HFMD ay nakukuha mula sa direct contact sa droplets na may virus mula sa infected na pasyente 

Dagdag niya, sakaling magkasakit ay i-isolate ang pasyente at huwag na munang papasukin sa paaralan. I-monitor ang lagnat at siguruhin ang sapat na tubig upang maiwasan ang dehydration. Iwasan din ang oily at spicy food upang di na lumala ang pantal sa lalamunan.

Kanyang pinayuhan ang publiko lalo na ang mga magulang na panatilihing malakas ang immune system ng mga bata at kumain ng masusustansya at balanseng pagkain upang malabanan di lamang ang HFMD kundi rin ang iba pang sakit. 

Kanyang paalala na ugaliing mag-hugas ng kamay at paa at takpan ang ilong at bibig sa tuwing babahing upang maiwasan na mahawaan o makapang-hawa ng iba. Aniya, malaki ang maitutulong ng face mask sa pag-iwas sa sakit na ito. I via PIA Albay.

Share