Ipinagdiriwang ngayon ng National Commission on Indigenous Peoples ang ika-25 anibersaryo mula nang maisabatas ang Indigenous Peoples Rights Act (IPRA). Kaugnay nito ay isang photo exhibit ang sabay na inilunsad ng komisyon sa Legazpi City at Daet, Camarines Norte na pinamagatang “Pilak”.
Ayon kay Al Prince Rellon, Community Affairs Officer ng NCIP Albay, layon ng photo exhibit na mas maintindihan ng publiko ang kultura ng mga katutubo lalo na ang dalawang tribo na meron sa Bicol. Ito ay ang tribo ng Manibe sa Camarines Norte at ang mga katutubong Agta na matatagpuan sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur at Sorsogon. “The intent of the exhibit is to promote the culture and the IP Rights of the indigenous people kasi ang indigenous people, nasa historical records na talagang nasa marginalized sector sila so by this kind of event we will uplift the status of the indigenous people”, ani Rellon.
Higit 100,000 daw ang populasyon ng mga agta sa kabikulan sa kanilang huling datos at hinihintay pa nila ang updated census mula sa Philippine Statistics Authority upang malaman ang updated na kabuuang bilang ng mga katutubong kabilang sa dalwang tribo sa rehiyon.
Sa Albay, pinakamarami raw na organized IP communities ang matatagpuan sa Polangui. Meron raw na 16 IP communities mula sa 44 barangay na nasabing bayan.
Ani pa ni Rello, marami pa ring mga hamon ang kinakaharap ng mga katutubo gaya ng indoctrination ng CPP-NPA, illegal recruitment, pananamantala at iba pa. Kulang rin daw ang pondo ng komisyon kung kaya’t nakikipagtulungan sila sa iba ibang ahensya ng gobyerno upang mas matulungan ang mga katutubo sa Bicol.
Sa kabilang dako, marami na rin daw na tagumpay ang IPRA sa nakalipas na 25 taon. “Madami na din kaming napa-graduate, yung ibang mga IP farmers nabigyan din natin ng mga tools para sa kailang pagtatanim, so in 25 years talagang silver na yung na-gain nila.”, ani Rellon.
Magtatagal ang photo exhibit sa SM Legazpi at SM Daet hanggang sa Nobyembre 5.