Kasunod ng pagpataas ng alert level status ng Mayon volcano mula alert level 1 sa alert level 2 ng PHIVOLCS noong October 7 ay nagbaba ng utos ang Albay PDRRMC para sa kaligtasan at maiwasan ang sakuna.
Ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer permanent danger zone partikular sa ilang mga barangay ng 5 bayan at mga lungsod ng Legazpi, Ligao at Tabaco.
Kabilang sa mga pinangalanan ng Albay PDRRMC ay ang Barangay Lidong sa bayan ng Sto. Domingo; Bañadero, Matnog, Salvacion, Miisi at Malobago sa Daraga; Upper Quirangay, Tumpa, Sua, Anoling at Tinubran sa Camalig; Maninila, Muladbucad Grande/Pequeña at Tandarora sa Guinobatan; Canaway, Calbayog at Upper San Roque sa Malilipot; Padang, Buyoan, Matanag, Bońga at Mabinit sa Legazpi; Magapo, Buang at Buhian sa Tabaco; at Baligang at Amtic sa Ligao City.
Ipinagbabawal din ang mga mountain climbers, orchid pickers, hiking, camping at ibang related recreational activities malapit sa bulkan.
Inabisuhan na rin ang mga local DRRMO ng mga nasabing bayan at lungsod na maging handa sa paglilikas ng mga apektadong residente sakaling itaas ang alert level 3.
Ang mga nakatira naman malapit sa mga bulubundukin at ilog ay inabisuhan na maging alerto sa posibleng pagbuhos ng lahar sakaling may malakas na pag-uulan.
Noong Oktubre 7 ay itinaas ang alert level sa bulkan Mayon matapos makita sa isinagawang aerial survey ang fresh lava sa bunganga nito.
Sa ilalim ng alert level 2, posibleng magkaroon ng phreatic explosions o magmatic eruption ang bulkan. Muling pinapaalalahan ang publiko na bawal ang pagpasok sa 6-kilometer danger zone.
Photos: Nehemiah Sitiar