Bicolano-produced film ‘Tether,’ pasok sa Cinemalaya 2023

Kabilang sa top 10 sa kategoryang full-length film sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival 2023 ang pelikulang ‘Tether’ kung saan dalawang Bikolano na tubong Naga City ang producers.

Mother-daughter tandem ang naging datingan nina Marlyn Robles at Rea Robles sa produksyon ng ‘Tether,’ kung saan ito ang kanilang kauna-unahang pagtatambal bilang producer sa isang pelikula na isa sa dalawa lamang na full-length films na ginawa nang walang malaking production house ngayong taon.

Saad ni Rea sa isang panayam sa Bicoldotph, madali at mahirap kapag independently produced ang isang pelikula: madali dahil sa mas mabilis ang kanilang komunikasyon lalo na’t limang buwan lamang ang nakalaan para matapos ito, mahirap dahil wala masyadong burukrasya at pag-apruba.

“The challenge is of course, funding. We could have fundraised and looked for more resources, but then again, February kami nasabihan which is too late na din to contact people for it. Deretso na kaming pre-prod. This is difficult to resolve since we are relying solely sa sponsors namin and sa grants given by Cinemalaya and FDCP,” dagdag pa nito. 

Ang pelikula ay hindi nakapasok sa pinal na listahan ng mga palabas na itatampok sa Cinemalaya 2023, ngunit dahil ang isa sa orihinal na sampung entry ay umatras, pinalitan ito ng ‘Tether’, ang ika-11 sa puwesto, noong Pebrero.

Ang kwento ng ‘Tether’ ay umiikot sa isang mapagmataas na playboy at isang mahiyain na dalagita na matapos ang kanilang one night stand ay natuklasan na anumang nararamdaman ng isa, kasiyahan man o sakit,  ay siya ring nararamdaman ng kabila.

Nabanggit din ni Mikoy Morales, isa sa mga bida, na ang linyahan ng mga karakter sa pelikula ay pamilyar lalo na kung alam ng isa kung ano ang isang ‘toxic relationship.’

Nilinaw naman ni Rea na bagaman may mga intimate scenes na kasama sa pelikula, at malinaw na pinapahayag ito ng kanilang movie poster, tiniyak nila na komportable ang mga aktor sa kanilang ginagawa.

“Me as the producer, the director, and the lead actors all went through an intimacy session to create safe spaces not only sa magbebed scene, pero pati na sa mga taong nandun and thankfully, we achieved that,” pagpapaliwanag niya.

Giit pa niya, integral ang ‘sex’ sa istorya ng pelikula kung kaya’t pakaabangan natin ito. 

“For some reason, the main characters Eric and Kate become connected ‘physically’ after their one night stand. They can now feel what the other is feeling and they are excited about it. Imagine if doble ang orgasm mo,” pahayag ni Rea.

Ang ‘Tether’ ay pinagbibidahan nina Mikoy Morales at Jorrybell Agoto mula sa panulat ni Gian Arre na siya ring direktor nito, at ginawa nina Rea Robles at Marlyn Robles sa pakikipagtulungan ng Vodoo Inc. at Flat Planet Workshop, habang si Yves Publico ang direktor ng photography.

Bukod sa mag-ina ay mayroon pang Bikolano na nasa likod ng kamera ng ‘Tether’ na si Phylicia Pardo mula sa Buhi, Camarines Sur, na siyang nag-disenyo ng naturang poster. 

Tampok din ang obra ng isang musikerong tubong Legazpi City na si Jan Roberts, ang ‘Patlang’ na isa sa mga soundtrack ng palabas na maririnig ng mga manunuod sa full trailer ilang araw bago ilabas ang pelikula.

Ang Cinemalaya Film Festival ngayong taon ang magiging ika-19 na edisyon ng taunang event at gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Agosto 4-13, 2023. Mapapanood din ang ‘Tether’ (at ang iba pang mga tampok na palabas) sa Black Box Theater ng CCP, TriNoMa, Ayala Malls Manila Bay, at Glorietta cinemas. | Christine Angeli Naparato

IMG 2883

Photos: Rea Robles

Share