Environmental Advocate sa Camarines Norte, wagi sa Saringaya awards 2023

Volunteerism  at pagmamahal sa kalikasan, ito ang pangunahing naging susi ng Mambuleño at pintor na si Konsehal Artemio C. Andaya Jr. upang patuloy na mapangalagaan ang likas na yaman partikular sa kaniyang bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte at makamit nito ang pagkapanalo sa Saringaya awards 2023.

Iba’t ibang proyekto na ang ibinida ni Andaya at gamit ang kanyang talento sa pagpipinta, maraming mga kababayan na nito ang kaniyang natulungan katulad na lamang ng mga katutubo, kabataan, persons with disability (PWD) at cancer patients na bahagi ng paintings for a cause project.

Bilang Committee Chairman on Environmental Protection, ilan sa kanyang mga adbokasiya ay ang pagtatanim ng higit 86,000 na mangroves at ang coral restoration project kung saan nakapagtanim sila ng hindi bababa sa 6,000 coral fragments na ngayon ay mayayabong na, pakikipaglaban na maalis ang 8,489 pesteng crown of thorns starfish na sumisira sa coral areas ng Jose Panganiban at ang proyektong low-cost transplanting and coral growing. 

Kanya ring isinagawa ang mga proyektong makakatulong sa komunidad kagaya ng libreng arts and crafts workshop, painting for a cause  at ang proyektong pinamagatang “Buhay Tribu, kulay Tribu” na isang painting exhibition kung saa n tampok ang 100 artworks ng mga katutubong Manide.

Pinangunahan rin ni Konsehal Andaya ang Community-Based Eco Tourism Project ng Tribung Manide kung saan nanirahan siya ng pitong buwan sa tribu bilang volunteer at inilunsad ang paglilinis at pag-aalis ng 550 tonelada ng basura na idinagsa ng Bagyong Ulysses noong Nobyembre 2020 sa dalampasigan ng Brgy. Parang, Jose Panganiban, Camarines Norte.

Ang lahat ng proyektong ito ni Andaya ay naisakatuparan sa pamamagitan ng volunteerism at hindi umasa sa pondo ng gobyerno.

Saringaya Awards 2023

Nitong Hunyo, naiuwi ni Andaya ang pagkapanalo sa individual category ng Saringaya Awards na isa sa pinaka-prestihiyoso at pinakamataas na environmental award na taunang ipinagkakaloob ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol sa mga indibidwal, grupo, LGU at organisasyon. 

Una na ring naiuwi ni Konsehal Andaya sa Camarines Norte ang plake at tropeyo matapos manalo sa National Search for Outstanding Volunteer (SOV) na ipinagkaloob naman ng Philippine National Volunteer Services Coordinating Agency (PNVSCA) noong nakaraang taon.

Sa mensahe ni Andaya sa Saringaya Awards, naging sentro ng kanyang pasasalamat ang mga mangingisda, katutubo, kabataan at iba pang nakibahagi sa kanyang mga environmental projects sa nabanggit na bayan.

“Maraming-maraming salamat sa mga katutubo, sapagkat naniniwala sila na hindi ang pagpuputol ng kahoy at pag-uuling ang makapagbibigay sa kanila ng magandang kabuhayan, kundi ang pagtatanim at paggamit ng kanilang talento sa sining,” pagpapasalamat nito. | Jeric Lopez

IMG 2409
IMG 2408
IMG 2419
IMG 2418
IMG 2417
IMG 2411

Photos: Artemio Andaya Jr.

Share