LEGAZPI CITY– Nakakabilib ang pinagdaanang hamon sa buhay ng 41 anyos na entrepreneur at stroke survivor na si Michael Bufi Bristol sa kaniyang tinataguyod na negosyong kabute, ang JBRISTOL FOOD PRODUCTS sa Tabaco City.
Sa loob ng pitong taon, naging stroke survivor si Bristol at kasalukuyang naghihirap pa mula sa sakit na Aphasia habang pilay pa ang kaniyang kanang bahaging braso.
Pero sa kabila ng lahat, nakapagpatayo siya ng mushroom house sa likod ng kanyang bahay sa Tabaco City. Dito niya itinatanim at inaani ang mga pangunahing materyales para sakaniyang negosyo, ang mga kabute.
Mga produktong kabute
Bestseller niya raw ang kaniyang mushroom chips, o tinatawag niyang JACOBO’s CHICHARON na gawa sa oyster mushroom at ang kaniyang mushroom atsara, na pinangalanan niyang Mia’s Pickeled Mushroom.
Nagkakahalaga ng 125 pesos ang isang 100g na pakete ng JACOBO’S CHICHARON habang 130 pesos naman ang isang 300g na bote ng Mia’s Pickeled Mushroom.
May pagpipiliian ding mga flavor ang nasabing chicharon tulad ng cheese, sour cream, salted egg, at iba pa.
Maliban sa kabuteng chicharon at atsara, may mga samu’t saring produkto ang naging bunga mula sa kaniyang mushroom house tulad na lamang ng mushroom fruiting bag, fresh mushroom, mushroom tapa, at mushroom okoy.
Mabibili ang mga nabanggit na produkto sa kaniyang Facebook page na JBRISTOL FOOD PRODUCTS o maaari ring magmensahe sa kaniyang numero na 09673507275.
Pinagmulan ng negosyong kabute
Dating architect sa Dubai si Bristol ngunit sa kasamaang palad, sa Dubai na rin siya tinamaan ng stroke, na nagpabago ng kanyang buhay.
Matapos makaligtas mula sa hirap ng stroke, saka naman naranasan ni Bristol ang matinding depresyon, kaya naman ay naghanap siya ng napagkakakitaang distraksyon at naisipang itayo ang kaniyang negosyong kabute noong Mayo 2018 sa Tabaco City.
Dumalo si Bristol sa mga seminar na nagbigay sa kanya ng kaalaman sa pagpapatayo ng kaniyang mushroom house sa likod ng tinitirahang bahay.
Pinangalanan naman niyang JBRISTOL FOOD PRODUCTS ang negosyo bilang pagbibigay pugay sa kaniyang ama’t anak na ang pangalan ay “Jacobo.”
Nagsimula muna sa limang fruiting bag ang naaani ni Bristol hanggang sa umabot ito ng isang daang fruiting bag.
Minsan na rin naging on and off ang nasabing negosyo dahil sa matumal na benta at nasira pa ito ng bagyo. Pero ngayon ay mas malaki at sementado na ang ipinatayong mushroom house ni Bristol.
Kabuteng armas laban sa depresyon
Hindi naging madali ang buhay ni Bristol matapos makaligtas sa stroke sa loob ng mahigit pitong taon dahil sa kaakibat nitong depresyon.
Pagpupursige at distraksyon sa negosyo niyang kabute ang naging armas ni Bristol laban sa depresyon at mga naging balakid niya sa buhay.
Dating architect sa Dubai at may mataas na pangarap sa buhay at sakaniyang pamilya si Bristol, na sinukluban lamang ng kaniyang sakit.
“When you are under depression due to stroke at ang pressure sa akin na maging kapani-pakinabang na tao, parang lumilipad ang utak mo,” pagbabahagi ni Bristol.
Nabanggit niya na minsan niya na ring sinubukang magpakamatay dahil sa nararamdamang depresyon ngunit naitawid naman niya ang nararamdamang sakit sa tulong ng panalangin, mga taong nakapaligid sa kanya, tulad ng kaniyang Ate Josie at Ate Jean, at ang kaniyang negosyong kabute. | Regina Dioneda
Photos: Michael Bristol