Naga City, muling nakiisa sa #BilangSiklista bike count program

NAGA CITY – Sa pangunguna ng Naga City Environmental and Natural Resources Office (ENRO), muling nakiisa ang Lungsod ng Naga sa #BilangSiklista Bike Count Program nitong Huwebes, Hulyo 6.

Layon ng program na malaman ang bilang ng mga gumagamit ng bisikleta, kanilang kasarian at kung ilan sa mga ito ang nakasuot ng helmet at hindi.

Ayon sa isang intern ng Naga City ENRO, mahalaga ang pakikiisa ng Naga City sa naturang proyekto sapagkat magagamit bilang basehan ang mga datos na makakalap upang makagawa ng mga polisiyang kapaki-pakinabang para sa mga siklista sa lungsod.

“Magagamit para basehan o baseline po ng LGU ng Naga City para makaprovide ng policy at mga bike lane para sa mga bisikleta, kumbaga ito yung magiging data nila para makita [ang] mga policy na ipoprovide ng LGU,” saad nito.

Sa ginawang monitoring, napansin rin ang kawalan ng helment ng mga nagbibisikleta.

“Suggest ko ngani kung pwede lang sana na mag ano din sinda ning project na garo magtao ning mga helmet kasi ini talaga si kadakol ngunyan na nadetermine mi, mayong nag gagaramit helmet kasi ‘di ba, dae man ibig sabihon na pag bike is dae man madidisgrasya so para iwas din sa disgrasya,”ayon kay Alyssa Labrador, intern ng City ENRO at isa sa mga volunteer ng #BilangSiklista.

Translation: “Suggest ko na gumawa sila [Naga City LGU] ng proyekto na parang magbibigay ng helmet kasi marami ngayong araw ang naitala namin na walang helmet. Hindi naman ibig sabihin na kapag bike ay hindi na madidisgrasya kaya para iwas na rin sa disgrasya.”

Saad din ni Rikki Patrice Montealegre, isa pang volunteer, kinakailangang dagdagan ang bike lane sa lungsod . “Dagdagan po yung bike lane kasi po ‘pag dito po kasi sa highway parang sinasapawan po sila ng malalaking sasakyan, parang wala silang karapatan po na makadaan kasi maliit sila ‘di ba,” ani nito.

Tinatayang nasa 1,000-2,000 siklista ang bilang na kanilang naitala kahapon. | Aubrey Barrameda

Share