LEGAZPI CITY — Binabalikan ng mga bisita ang pinakabagong atraksyon na matatagpuan sa Banquerohan, Legazpi City —ang Mipajo Viewdeck and Campground.
Pagpasok pa lang sa nasabing lugar, ramdam na ang preskong hangin dahil ito ay napapalibutan ng maraming puno.
Mataas ang lugar kaya’t mula sa viewdeck na gawa sa kahoy, kitang kita ang view ng karagatan, mangrove forest, at mga kabundukan ng Manito at Sorsogon.
Sa ibaba nito, mayroong docking area kung saan nangingisda ang ibang residente ng barangay.
Ayon kay Elizabeth Lorenzana, asawa ng isa sa mga may-ari ng lugar, ipinamana ng mag-asawang Raymundo at Rosario Lorenzana ang lupaing kinatatayuan ng Mipajo Viewdeck and Campground sa kanilang walong lalaking anak.
“Dae man ini planado, pang pamilya lang talaga ini kaso dakul nagadirigdi ta masiram ang paros-paros lalo na sa banggi,” ani ni Lorenzana.
[Translation: Hindi rin ito planado, pang-pamilya lang talaga ito kaya nga maraming pumupunta dito dahil masarap ang hangin lalo na kapag gabi.]
Dagdag pa nito, marami pa silang plano para sa lugar ngunit sa ngayon, hindi pa nila ito kayang isakatuparan.
Gayunpaman, tulong-tulong ang buong pamilya sa pagpapaganda ng nasabing pasyalan.
Ang entrance fee ay nagkakahalagang P20 at P500 naman ang kanilang chicken hut para sa mga gustong magpalipas ng gabi.
Maaari rin magdala ng sariling tent o magrenta sa kanila sa halagang P150 hanggang P350.
Sa kabila nito, pinapaalalahanan ang lahat na may planong pumunta at magpalipas ng gabi sa lugar na magdala ng kanilang sariling pagkain at inumin dahil nasa proseso pa rin ang pagtatayo ng canteen. | Christine Angeli Naparato, Neffateri De La Cruz, at Ree-ann Cawaling
Photos: Neffateri De La Cruz