Sa edad na 78, hindi hadlang ang init ng panahon para kay Lola Adelita Mendaros na bumiyahe mula sa kanilang tahanan sa Brgy. Sipi, Daraga, papuntang Albay Astrodome upang ibahagi sana ang kaniyang mga likhang tula sa kakatapos lamang na Tibay Albay 2023: A One-day Arts Fest.
Sa isang panayam sa Bicoldotph, ibinahagi ni Mendaros na nakipag-sapalaran lamang siya na pumunta sa naturang aktibidad upang alamin kung saklaw ang literary arts sa mga ipipresenta rito.
Pero hindi niya naabutan ang organizer kung kaya’t hindi siya nabigyan ng pagkakataon na makasali sa aktibidad upang ipakita sana ang kanyang mga nilikhang tula
Sa kaniyang 40 na taon sa pagtuturo, ang ngayo’y retiradong guro ay patuloy pa rin ang pagsusulat ng mga tulang nais niyang ibahagi sa mundo.
“Dalaga pa lang ako, hindi pa ako nagtuturo, nagsusulat na talaga ako,” ani Mendaros.
Ilan sa mga likhang tula nito ay naka-print pa sa papel na halatang napaglumaan na ng panahon, kabilang na rito ang kaniyang mga akdang: ‘Paghanga,’ para sa mga coronation rites tuwing araw ng mga puso; ‘Kabataan ang Pag-asa ng Bayan;’ at higit sa lahat, ang kaniyang tula na pinamagatan niyang ‘PGH’ na isinulat niya umano sa kasagsagan ng kaniyang pag-aalala sa kaniyang anak na na-confine sa Philippine General Hospital (PGH) dahil sa sakit noong taong 1995.
Ayon pa rito, marami pa siyang ginawang tula noon na hindi na niya mahanap ngayon.
Ngunit para sa kaniya, ang mga tulang ito ay hindi matutumbasan ng anuman dahil ang bawat salitang isinusulat niya ay nakatatak na sa kaniyang puso’t isipan. | Danica Roselyn Lim