1.61M halaga ng smuggled na sigarilyo, nasabat sa Matnog Port

Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) Bicol ang isang van na may puslit na 16 na karton ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P1.61 milyon sa Matnog Port sa Sorsogon, kahapon, Abril 17.

Ayon sa BOC-Bicol, ito ang kauna-unahang pagkakataon na may nasabat silang sigarilyo sa nasabing daungan dahil kadalasan ay mga ilegal na mga damit-ukay ang kanilang nakukumpiska. 

“Alas-5 ng hapon, inatasan kami ng aming District Collector…na mag-proceed sa Matnog Port, kasi mayroong nag-coordinate sa kanya na Philippine Coast Guard dahil daw nakahuli sila ng mga ilang karton ng sigarilyo at hindi confirmed yung sigarilyo – kung smuggled ba o hindi. So pinuntahan namin yon,” pahayag ni Redford Surposa, Special Investigator ng BOC-Bicol.  

Hinarang ng PCG ang van nang walang maipakitang resibo at mga papeles ang drayber nito at agad na ipinagbigay alam ang insidente sa himpilan ng BOC-Bicol.

“Walang mga papeles po ang sigarilyo. Nagpaalam lang sila na itatawid nila. Magbabayad (na lang) sila. Pagdating (at) pag-check ng Coast Guard, nagpaalam daw sila na sigarilyo yung laman. Walang papeles na pinakita,” saad ni Surposa. 

Galing Maynila ang van at papunta umano ito sa Cebu. 

Samantala, magkakaroon naman ng session hearing ang nasabing himpilan para mapanagot ang mga nahuling smugglers. 

Plano ng BOC-Bicol na maglagay ng tauhan sa mga checkpoint areas para paigtingin ang pagbabantay at pagmamanman kontra smuggling. 

“Most likely (sa) Matnog and Sipocot (in Camarines Sur) areas will have Bureau of Customs personnel na titingin po,” saad ni Segundo Sigmundfreud Barte Jr., Acting District Collector ng BOC-Bicol. 

Nasa pangangalaga na ng BOC-Bicol ang van at ang nasamsam na produkto na nakatakdang sirain pagkatapos ng isinasagawang imbestigasyon. I Aaron John Baluis, Arvie Bediones

IMG 0044
IMG 0046
IMG 0048
IMG 0051
IMG 0050
Share