2 aktibistang dinukot sa Albay, hindi pa rin natatagpuan matapos ang 6 buwan

Anim na buwan na ang lumipas mula nang dukutin ang dalawang aktibistang sina James Jazmines at Felix Salaveria Jr. sa Tabaco City, Albay, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring konkretong impormasyon tungkol sa kanilang kinaroroonan.

Matatandaan na batay sa mga kuha ng CCTV, huling nakita ang dalawa noong Agosto 2024, nang sapilitang isinakay sa isang sasakyan ng mga pinaghihinalaang state security agents. 

Si Jazmines, 63, ay unang naiulat na nawawala noong gabi ng Agosto 23, matapos dumalo sa kaarawan ni Salaveria. Makalipas ang limang araw, noong Agosto 28, dinukot naman si Salaveria sa Tabaco City.

Sa kabila ng masusing imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) at ng patuloy na pagdinig sa kaso, wala pa ring malinaw na resulta. 

Ayon kay Cora Jazmines, asawa ni James, wala silang makuhang saksi na handang lumagda sa isang affidavit dahil sa takot.

“Sana po ilitaw na sina James at Felix. Ika-anim na buwan na po ito. Siguro naman kung ano ang gusto niyong malaman sa kanila, nakuha niyo na sa loob ng anim na buwan. Ilitaw niyo na po sila,” apela ni Cora.

Ayon naman kay Ofel Balleta ng grupong Hustisya, patuloy ang kanilang paghahanap ng ebidensya at testigo. Sa kasalukuyan, may gumugulong na kaso sa Court of Appeals para sa habeas data na isinampa ng mga anak ni Salaveria, ngunit nananatiling walang malinaw na sagot kung nasaan ang dalawa.

“Ang daming gustong mag testify sa panig ng mga militaries, government agencies against doon kay Felix Salaveria bakit nawala yan. Pero mula doon wala pa namang malinaw so ongoing pa rin at yung paghahanap natin ng ebidensya or mga testigo na makakapagturo kung nasaan sila at kung bakit sila dinukot,” ani Balleta.

Batay sa datos ng Hustisya, labing-apat na aktibista na umano ang sapilitang nawala sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, pinakahuli na sina Jazmines at Salaveria.

Nanawagan naman ang grupong Karapatan sa lokal na pulisya na magsagawa ng mas masusing imbestigasyon.

“Yung local police malaki ang magagawa dapat lang gawing due diligence. Yung talagang gagawin nila yung imbestigasyon, yun nga nag-aappeal ako sa local police na gawin nila yung dapat gawin” pahayag ni Edita Burgos ng Karapatan. 

Sa kabila ng pangamba, patuloy ang panawagan ng mga pamilya at organisasyon sa gobyerno na ipatupad ang mga batas na nagpoprotekta sa karapatang pantao at tiyakin ang hustisya para sa mga biktima ng sapilitang pagkawala. Hanggang ngayon, nananatiling tanong kung nasaan at ano ang nangyari sa dalawang aktibista.I Jeric Lopez

Share