Hindi alintana ng libu-libong miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Bicol Region ang malakas na ulan at maputik na daan nang idaos nila ang National Rally for Peace sa Sawangan Park, Legazpi City, Albay, ngayong Lunes, Enero 13.
Dala ang mga placard na may mensaheng tulad ng “Pagkakaisa, hindi pamumulitika,” “Serbisyo, huwag sariling benepisyo,” at “Pagkakasundo, hindi pagkakagulo,” ipinakita ng mga miyembro ang anila’y pagpapahayag ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag nang ituloy ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay PCpt Hermel Napili, Operations Officer ng Legazpi City Police Station (CPS), tinatayang mahigit 30,000 katao mula sa iba’t ibang probinsya sa rehiyon ang dumalo sa rally.
Sa kabila ng mabigat na trapiko sa Sawangan Park, nanatiling mapayapa ang pagtitipon at wala pang naitatalang insidente.
“Peaceful pa man yung kanilang okasyon and maulan lang, lumakas ang ulan, panaka-naka, yung ano natin dito pagsisikip mg trapiko dito sa area na ito but yung Rizal Street, clear naman tayo dun sa labas but yung Sawangan lang talaga yung mesyo masikip ang kalsada,” ani Napili.
Upang maiwasan ang mas matinding pagsikip, naglaan ang mga otoridad ng karagdagang parking na may kapasidad pang 150 sasakyan malapit sa port ng Kapuntukan Grill.
“Meron pa po tayong available parking dun sa ginagawamg port dito po sa harap ng Kapuntukan grill papasok po dun, kasya pa po dun yjng 150 vehicles,” pahayag ni PLTCOL Ray Anthony Villanueva, acting chief of police ng Legazpi CPS.
Samantala, bago pa man ang rally, nagpatupad na ng class suspension sa Albay at Masbate bilang paghahanda sa posibleng kakulangan sa transportasyon dulot ng malakihang pagtitipon.
Inaasahang magtatagal ang naturang rally mula hapon hanggang gabi.
Sinubukan namang kuhanin ng BicoldotPH ang pahayag ng ilang miyembro ng INC, subalit tumanggi silang magbigay ng komento.I Jeric Lopez


