Muling magbubukas ang telon ng Sining Banwa ngayong Nobyembre 2024 upang itanghal ang siyam na dula sa ikapitong serye ng PedXing Kolab Series: Overpass.
Mula sa mga dulang isinulat ng siyam na masuwerteng Bicolanong mandudula mula Albay, Camarines Sur, at Sorsogon, mapapanood ang mga ito sa Nobyembre 20-24, 2024, sa Pasakalye Blackbox, Legazpi City.
Tulad ng mga nagdaang produksiyon sa ilalim ng PedXing, ang mga palabas ngayong taon ay muling nahahati sa tatlong set:
•Set A: Pakikiisa – Buhay-Buhay, Kuya, Mabuhay Ka! at Spe Salvi
•Set B: Pakikibahagi – Ipis, Bata, Sa Ilalim ng Lamp Post, at That’s What Friends Are For
•Set C: Pakikisangkot – May Kinab-an sa Ako Anit, Scambularyum, at Ang Pandecrema sa Piitan
Ang PedXing (pedestrian at crossing) ay isang flagship program ng Sining Banwa na layuning maghubog at magbigay ng malayang espasyo sa mga mandudula at sa mga Bikol flash plays na hindi pa naisasadula sa entablado.
Nagsisilbi rin itong tulay upang maitawid ang mga kwento ng mga piling playwrights sa pamamagitan ng kolaborasyon sa teatro.
Mga Bagong Elemento sa PedXing 7
Ayon kay Julie DM Vega, isang senior artist ng Sining Banwa, mas pinagtibay ngayong taon ang kolaborasyon at layunin ng pagiging “laboratoryo” ng mga dulang itatanghal.
Malaking instrumento ang iba’t-ibang serye ng workshops para sa mga direktor, aktor, at mandudula upang matutuhan at magagap ng bawat isa ang masining na proseso at kolaborasyon sa pagbuo ng isang produksiyon sa teatro.
Dagdag pa niya, mas binigyang pansin sa kasalukuyang serye ang mga mandudula kaysa sa mga naisulat at sinumiteng mga dula.
“Dahil ang banner natin ay tumuklas, ang kinuha natin ay mga playwrights na magu-undergo ng immersion at proseso ng pagsusulat na i-stage naman ng Sining Banwa,” ani Vega.
Masaya ring ibinahagi ni Vega na walo sa siyam na mandudula ngayong taon ay mga first-time playwrights. Pinalawig rin ang bawat dula sa 20 minutong pagtatanghal mula sa dating 10 minuto.
Tatalakayin sa mga dula ang iba’t-ibang isyu tulad ng LGBTQIA+ community, mga hamong kinakaharap ng mga tsuper, at mga karanasan ng kapwa Bicolanong nakaranas ng inhustisya at pang-aabuso.
“Ang mga plays natin ay bago at hindi pa [napapanood], bago rin ang mga tinatackle na issues na nakikita naman natin every day, pero ito yung mga plays na nakakaligtaan nating maranasan araw araw.”
Art Immersion Program
Naging malaking tulong din sa pagsasabuhay ng mga dula ang ginanap na isang araw na immersion program ng Sining Banwa para sa mga mandudula nitong nagdaang Oktubre sa mga piling organisasyon at menoryang grupo sa Albay upang maisulat ang kanilang mga dula.
Ibinahagi ni Klara Espedido, ang mandudula ng ‘May Kinab-an sa ako Anit’ at isang first-time playwright mula Bulusan, Sorsogon, ang kaniyang naging karanasan sa nasabing immersion program.
Lampas pa sa mga aral tungkol sa HIV ang ibinahagi sa akin ng GentleMen (GM) Bicol. Ipinaalala sa akin ng immersion kung gaano kahalaga ang pakikinig at pagkakaroon ng taingang may lambat upang hulihin ang mga salita,” ani Espedido na bahagi ng grupong nag-immerse sa GM Bicol, isang non-government organization na tumutulong sa mga indibidwal na HIV infected o mga nais malaman ang kanilang status sa HIV.
Dagdag pa niya, naging malaking bahagi ng pagsusulat ang naganap na immersion upang mabuksan ang mata ng isang mandudula sa marami pang kuwentong hindi naibabahagi at nasusulat.
“Tunay nga, sanlaksa ang kwentong maaaring maisulat. Kasingdami ng nakasasalamuha nating bibig sa kalsada, traysikel, fastfood chains, kalye at bawat sulok ng daigdig ang pagkukuwento. Ang buhay natin mismo, gaano man kapayak, ay materyal na nagkakanlong ng libo-libong sandali–naghihintay na mapakinggan, maisulat, maibahagi, isiwalat.”
Art for a Cause
Patuloy din ang layunin ng Sining Banwa na magbigay ng malayang ekspresyon sa sining, lalo na sa dula at teatro. Isa sa mga programa ng grupo ay ang “adopt a community,” kung saan hinihimok ang mga lokal na pamahalaan na suportahan ang pagtatayo ng art community group sa kanilang lugar.
Sa pamamagitan nito, makapapanood ang mga piling mamamayan ng libreng dula mula sa Sining Banwa at mahihikayat silang bumuo ng sariling theater community.
“Through sponsorship letters, hihingi tayo ng tulong sa mga local government na mag adopt ng school or community (sa kanilang lugar) para manood ng show upang matuto at the same time, gumawa rin ng sarili nilang theater community doon mismo sa kanilang barangay,” ayon kay Vega.
Kasunod din sa perwisyong naidulot ng nagdaang bagyong Kristine sa rehiyon, masayang ibinahagi ng grupo na mapupunta ang malilikom na kita mula sa PedXing 7 sa art relief at psychological intervention para sa mga nasalanta ng bagyo sa darating na Disyembre ngayong taon.
Paraan ito hindi lamang sa pagtulong ngunit maging na rin sa adbokasiya ng Sining Banwa na ibalik sa komunidad ang mga kwento at karanasan ng bawat mamamayan na nagsilbing inspirasyon sa mga dulang kanilang itinatanghal.
Available at maaari na ring magpa-reserve ng ticket sa mga nasabing palabas sa PedXing 7: Overpass sa opisyal na Facebook Page ng Sining Banwa PH.
Mabibili ang regular na ticket sa halagang Php200.00 at Php180.00 naman para sa mga estudyante, senior citizen, at PWDs. Maaari ding mapanood ang lahat ng palabas (Set A-Set C) sa halagang Php500.00. | Ken Oliver Balde