PBBM, Mas Tutukan Pa Rin ang Flood Control Project sa Naga City at ilang karatig lalawigan 

Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang pagtutok at pagpapatibay pa ng mga flood control projects sa Naga City at ilan pang karatig lalawigan matapos ang isinasagawang situation briefing sa Naga City ngayong Sabado, Oktubre 26.

Tinalakay sa situation briefing ang pinsala ng bagyong Kristine sa Naga City at sa probinsya ng Albay, pati na ang mga susunod na hakbang at tulong sa mga residenteng naapektuhan.

Bago pa man ang situation briefing, bumisita muna ang Pangulo sa Brgy. Causip, Bula, Camarines Sur, kasama sina Camarines Sur 2nd District Congressman Lray Villafuerte at Camarines Sur Governor Luigi Villafuerte, upang personal na makita at masuri ang mga pinsalang iniwan ng bagyong Kristine sa lugar.

Kasama namang dumalo sa situation briefing sina DILG Secretary Juanito Victor Remulla Jr., DSWD Secretary Rex Gatchalian, Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Rizalino Acuzar, DPWH Secretary Manuel Bonoan, National Defense Secretary Gilbert Teodoro, at Presidential Communications Office Acting Secretary Cesar Chavez.

Flood Control Projects

Ayon sa pangulo, mayroong mga flood control projects sa Bicol, ngunit dahil sa climate change at sa malalakas na ulan na dulot ng bagyong Kristine, hindi napigilan ang pagbaha.

Sinabi rin ng pangulo na pagtutuunan pa ng administrasyon ang mga flood control projects upang maiwasan ang muling pag-ulit ng malawakang pagbaha.

“Now we have to focus specifically on flood control, the others marami naman tayo na plano for the rest of it but we have to focus now on flood control because flood control kaya nga sobra na yung tubig e hindi na talaga kaya,” pahayag ni PBBM.

“Walang forecast na ganito eh. Ito ay talagang dahil sa climate change—ito ay bago sa atin kaya kailangan nating makabuo ng mga bagong solusyon,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa pangulo, kailangang muling suriin ang Bicol River Basin Development Program na nasimulan noong 1973 ngunit nahinto noong 1986.

Sa kasalukuyan, patuloy na lubog sa baha ang ilang munisipalidad sa Camarines Sur, habang pitong barangay sa Naga City ang hindi pa rin humuhupa ang tubig-baha.

Nangako ang pangulo ng tuloy-tuloy na asistensya mula sa pamahalaan sa mga residenteng apektado ng bagyo. I Aubrey Barrameda

462554610 432454736541185 5952603790815788380 n
IMG 0249
IMG 0260

Photos: PIA Bicol

Share