Rule XVI ng PNP Manual, opisyal nang inilunsad

Nitong Lunes, Hulyo 22, pinangunahan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) at ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pormal na paglulunsad ng Rule XVI ng Philippine National Police Manual na naglalayong pagtibayin ang kalayaan sa pagpapahayag at pamamahayag sa loob ng bansa.

Ginanap ang naturang paglulunsad sa Novotel Manila Araneta City, Manila na dinaluhan naman ng mga pangunahing kinatawan mula sa UNESCO, NAPOLCOM, PNP at iba pang ahensya ng gobyerno at ng mga mamamahayag kabilang na ang BicoldotPh.

Layunin ng Rule XVI na magsilbing gabay sa Philippine National Police (PNP) upang mapabuti ang ugnayan sa pagitan ng pulisya at ng midya, masiguro ang kaligtasan ng mga mamamahayag, at higit na paigtingin pa ang malayang pagpapahayag.

Bukod dito, binigyang-diin sa naturang okasyon na ang patakarang ito ay nabuo upang magbigay ng malinaw na direktiba para sa PNP patungkol sa kung paano nila dapat pangasiwaan ang kinikilalang tatlong pangunahing mga pagkakataong kinakailangan ang tiyak na ugnayan sa pagitan ng mga pulis at mga mamamahayag.

Una, sa pagsisiyasat ng mga krimen at pag-access ng midya sa impormasyon kinakailangan nila; pangalawa, sa paghawak ng mga pampublikong demonstrasyon at mga sosyal na protesta; at pangatlo, sa pagtugon sa mga banta at pag-atake sa midya.

“A free, independent and truistic media is key to helping citizens make informed decisions and participate in civic life, However journalism remains a dangerous profession. According to UNESCO data, close to 2000 journalists and media workers were killed around the world in the past three decades because of their reporting. Close to 9 out of 10 remaun unresolved”, ayon kay Maki Katsuno-Hayashiwaka, Director ng UNESCO Jakarta.

Sa nanyang mensahe, sinabi ni Alberto Bernardo, Vice Chairperson at Executive Officer ng NAPOLCOM na mahalaga ang ginagampanan ng pulisya at ng midya.

“Journalist and media practitioners play a crucial role in the system by informing the public, scrutinizing power and giving voice to the diverse perspectives. On the other hand, the Philippine National Police as guardians of public safety has the key responsibility to protect the people. We, in government have the duty to ensure that journalists and citizens can express themselves without fear of retribution or violence”, saad ni Bernardo.

Ayon naman kay Police Colonel Malu Calubaquib, tagapasalita ng Bicol PNP, nakikiisa sila sa hakbanging ito upang mas maging bukas ang komunikasyon sa pagitan ng pulisya at midya, “As implementers of the law, we stand united with all other agencies in safeguarding the rights and safety of every journalist. We respect the freedom of expression of every journalist, recognizing the significant role they play in our efforts to sustain peace and order in national development. To ensure their safety, we are committed to establishing media vanguards and maintaining constant dialogue with the journalistic community”.

Nabuo ang mga pagbabago sa Rule on Media Relations, Safety of Journalists and Enhancing Freedom of Expression, and Access to Public Information of the Philippine National Police Manual matapos ang serye ng mga konsultasyon at dayalogo sa pagitan ng NAPOLCOM, PNP, NBI, PDEA at mga mamamahayag.

Pagpuri’t pangamba

Mainit na tinanggap ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang Rule XVI ng PNP Manual na nabuo mula sa pagpupunyagi ng UNESCO at ng ibat isang sektor upang makamit ang tiyak na kaligtasan ng midya bilang pagpapahalaga sa kalayaan ng pamamahayag sa bansa.

Partikular na pinuri ng NUJP ang pagsama ng probisyon na nagbabawal sa red-tagging. Kung maaprubahan, ang Rule XVI ay magiging isa sa mga unang opisyal na dokumento na aangkop sa desisyon ng Korte Suprema sa Deduro, na kinikilala ang red-tagging bilang banta na inilalagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga mamamahayag, aktibista, at mga tagapagtanggol ng karapatang pantao. 

Gayunpaman, nagpahayag din ang NUJP ng kanilang pagkabahala ukol sa ilang probisyon na sa tingin nila ay maaaring limitahan ang kalayaan ng pamamahayag at pagpapahayag, ang mismong mga karapatan na layunin ng Rule XVI na pangalagaan.

Isa sa mga ito ay ang probisyon patungkol sa “Accredited Media” kung saan ay nakasaad dito na kinakailangang kilalanin muna ng PNP ang mga mamamahayag sa pamamagitan ng kanilang PIO.

Paliwanag ng NUJP, may mga pagkakataon umano kung saan ay humihingi ang PIO ng mga personal na impormasyon na hindi naman kinakailangan para magampanan ng mga mamamahayag ang kanilang tungkulin. Para sa kanila, bilang paggalang sa privacy ng mga mamamahayag, ang akreditasyon ay dapat na maging administratibo lamang kung kaya’t nararapat lang na sapat na ang isang sulat mula sa editor at isang press ID.

Ipinahayag din ng NUJP ang kanilang pagtutol sa pagsasama ng mga mamamahayag sa mga operasyon ng pulisya sa kadahilanang pinapataas lamang nito ang banta sa kanilang seguridad.

Bukod dito, hindi rin sang-ayon ang samahan sa probisyon na nagsasabing maaaring kilalanin ang mga mamamahayag bilang saksi sa mga operasyon ng kapulisan.

Kanilang inilahad ang isang insidente sa Ormoc City kung saan isang babaeng mamamahayag ang inaresto matapos hindi dumalo sa korte bilang saksi sa isang operasyon ng pulisya. Ayon sa NUJP, ang ganitong insidente ay maaaring maiwasan kung hindi hihilingin sa mga mamamahayag na magsilbi bilang mga saksi.

Binigyang-diin din ng samahan na hindi kailangan ng mga mamamahayag ng escort mula sa pulisya habang sila’y nagtatrabaho.

Dagdag pa nila, ang pagkakaroon ng “security areas” ay maaaring makasagabal lamang sa gawain ng mga mamamahayag at dapat na linawin bilang “working areas” kung ang layunin ay magbigay ng dedikadong workspace para sa media.

Hiniling din ng NUJP na ang mga preventive measures, tulad ng risk assessments, ay dapat ikoordina sa mga newsroom at mga kaugnay na stakeholder, at dapat ipagbawal ang mga home visits.

Anila, ang mga safe zones at security escorts ay maaaring makaabala lamang sa trabaho ng mga mamamahayag at posibleng gamitin upang hadlangan ang kanilang akses sa iba pang mahalagang mapagkukunan ng impormasyon. I Aireen Perol-Jaymalin, Kian Kirby Florano

IMG 0867
IMG 0862
IMG 0871
Share