Foot march sa Albay, isinagawa bilang paggunita sa anibersayo ng EDSA Revolution 

Hindi inalintana ng daan-daang Albayanong nakilahok sa foot march mula sa iba’t ibang organisasyon ang pabugso-bugsong panahon upang igunita ang ika-38 na taon ng EDSA People Power Revolution ngayong Linggo, Pebrero 25.

Bukod sa paggunita ng EDSA Revolution na nangyari taong 1986, mithiin rin ng mga dumalo na ipagpatuloy ang pagpapaigting sa karapatang pantao ng bawat mamamayang Pilipino at ilabas ang kanilang hinaing hinggil sa isinusulong ng gobyerno na Charter Change (Cha-Cha) o pagbabago sa konstitusyon. 

Ayon kay Dani De Jesus, tagapagsalita ng Kabataan Partylist-Bicol, may iba pa umanong mga bagay na mas nararapat pagtuunan ng pansin ang gobyerno bukod sa isinusulong nitong Charter Change o Cha-Cha. 

“Hindi dapat priority ng administrasyong ito ang pagbabago sa konstitusyon. Mas dapat  nilang pagtuunan kung ano ba ‘yung mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino sa nangyayaring krisis ngayon sa ekonomiya, edukasyon at laganap ang kahirapan at kawalan ng trabaho sa Pilipinas,” saad nito.

Samantala, inaasahan naman ng grupo ang mga panibagong hakbang na gagawin ng gobyerno para pabagalin ang proseso tungkol sa people’s initiative. Ngunit ayon sa  kanila, patuloy nilang isusulong ang karapatang pantao para sa mamamayang Pilipino.

“Nag-start na tayong [kumausap] ng mga public attorney’s office para doon sa pagpa-notarize no’ng mga ‘Bawi pirma affidavit’ na galing sa Bayan Muna and kukuha na rin tayong forms sa Comelec. So ayon, ginagawa natin ang lahat ng posibleng paraan para hindi maabuso ang mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng pekeng charter change na ito,” pahayag ni Nica Ombao, regional coordinator ng Bicolana Gabriela.

Sa kabila nito, hindi hadlang ang mga aberyang naranasan nila ngayong araw upang itigil ang nasabing aktibidad bagkos naging daan ito upang ipagpatuloy ang kanilang nasimulan.

“Ngayong araw pumalya ‘yong mga equipments natin, [unfortunately]. Pero ang mahalaga rito ay muli tayong nakapag-martsa, muli tayong nakasigaw kahit papaano ng ating mga hinaing. So, hindi naman natin tinitignan na malaking kawalan ito kasi hindi naman sa araw na ito lang nagtatapos ang paglaban natin para sa ating mga karapatan,” saad ni Ombao.

Ang nasabing foot march ay dinaluhan ng hindi bababa sa 200 na bilang mula sa iba’t ibang grupo tulad ng Organisasyon ng Magsasaka sa Albay (OMA), Bicol Coconut Planters Association Inc. (BCPAI), Albay People’s Organizaton (APO), Gabriela Bicolana, Kabataan Partylist Bicol at ng College Editor’s Guild of the Philippines.

Nagsimula ang protesta sa harap ng Bicol Regional Hospital and Medical Center (BRHMC) at nagtapos sa Peñaranda Park, Legazpi City, Albay. | Gabriel Bajaro, Lyzha Mae Agnote

Share