Bilang bahagi ng isang buwang pagdiriwang ng taunang Cagsawa Festival, makulay na idinaos ang pagsisimula ng mural painting na nilahukan ng 18 na mga pintor nitong Biyernes, Pebrero 9, sa Cagsawa Bridge, Busay, Daraga, Albay.
Isang maikling briefing ang isinagawa kasabay ang pamamahagi ng ilang kagamitan at damit sa kalahok na gagamitin sa nasabing patimpalak na tatagal hanggang Pebrero 22.
Ayon kay Oyce Claveron, tagapangasiwa ng mural painting contest, layunin ng patimpalak na sa pamamagitan ng paggunita sa kultura at nakaraan ng Cagsawa, maipakita ang angking galing at talento ng mga Bicolano bilang paraan upang manatiling buhay ang pinagmulan ng lugar.
Ibinahagi naman ng isang kalahok na si Neil Jordan Jerusalem, 35 anyos at residente ng Gubat, Sorsogon, na matagal na siyang sumasali sa ganitong uri ng patimpalak at labis ang kaniyang kagalakan at pasasalamat sa oportunidad na ipinagkaloob sa kanila upang maipakita sa publiko ang tunay na kahulugan ng sining.
“Actually nag join ako digdi dai dahil sa prize. Para sakuya, kaugmahan ko na lang na mai-share ko ang art ko na libre sa tawo,” saad ni Jerusalem.
[Translation: Sa totoo lang, sumali ako rito hindi dahil sa premyo. Para sa akin, kaligayahan ko na lamang na maibahagi ang aking sining nang libre sa mga tao.]
“Magayunon ining step kang Cagsawa na sabay sa festival ang arog kaini (mural painting). Bako lang su Festival alone [ang ginugunita] kundi (maging) su creativity kang mga Darageño. Dakulang tabang din sa mga artist bako lang financially but exposure,” dagdag pa niya.
[Translation:Maganda ang hakbang na ito ng Cagsawa na sinabay sa festival ang katulad nitong mural painting. Hindi lamang ang Festival ang ginugunita kundi pati na rin ang pagkamalikhain ng mga Darageño. Malaking tulong ito sa mga artist hindi lamang sa pinansyal kundi sa exposure din.]
Aniya, umaasa siya na sa mga susunod pang festival sa rehiyon ng Bicol, mananatili ang suporta at oportunidad na ibinibigay sa kanila upang maipamalas ang kanilang mga talento at patunayan na may mararating ang pagpipinta.
Samantala, ang Cagsawa Festival ngayong taon ay may temang, “Daraga’s Legacy: 300 Years of Culture and History” na naglalayong isulong ang kultura’t pinagmulan ng munisipalidad. I Gabby Bajaro