IRIGUEÑO, WAGI SA NSPC 2023

IRIGA CITY — Ipinakita ng 17-anyos na estudyanteng-mamamahayag na si Jascyl “Jaja” Jee Sayson mula La Medalla, Iriga City ang kaniyang angking galing nang makamit nito ang gintong medalya sa Pagguhit ng Kartung Pang-Editoryal, Antas Sekundarya sa 2023 National Schools Press Conference (NSPC) na ginanap sa Cagayan de Oro City mula ika-17 ng Hulyo hanggang 21.

Mula sa labimpitong kalahok na galing sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, si Jaja ang nag-iisang babae na nagpakita ng angking tapang at husay at nakapagbigay ng karangalan sa rehiyon ng Bicol sa naturang larangan.

Bilang isang student-leader, athlete, artist, at campus journalist na sumasali sa Pagguhit ng Kartung Pang-Editoryal mula noon, ang pagtungtong bilang kinatawan sa NSPC ngayong taon ang pangarap ni Jaja noong nagsisimula pa lamang siya sa editorial cartooning kung kaya’t isang karangalan ang hindi lamang kumatawan at ipaglaban ang Region 5 sa nasyonal na patimpalak na ito, kundi ang maiuwi rin ang gintong medalya.

Nagsimulang tahakin ni Jaja ang mundo ng editorial cartooning noong nasa elementarya pa lamang siya sa University of Saint Anthony (USANT) sa Iriga City kung kaya’t mula noon hanggang ngayon ay siya na talaga ang pinipili na kumatawan sa USANT sa lokal at nasyonal man na patimpalak.

Aniya bukod sa kaniyang coach ngayon na si Randy Dela Torre na sumuporta at gumabay sa kanya, malaki rin ang kaniyang pasasalamat  sa guro at coach noon na si Teacher Malyn Malazarte sa pagpapakilala at paghasa sa kaniya, mapa-cartooning man, poster making, o modulo arts. 

“Di ko man po siya nadala sa NSPC nung contestant niya pa ako, pero dala-dala ko parin ngayon lahat ng tinuro niya nung nagsisimula palang akong magpaka-artist. […] She will always and forever be part of my success,” pahayag ni Jaja.

Role model niya rin umano si Ping Peralta na nagbigay sa kanya ng kumpiyansa at wastong pag-iisip upang tumayo sa national stage at makipagkumpitensya sa lahat ng mga natatanging cartoonist sa bansa. 

Sa huli, nais niyang batiin ang buong Bicol Region Team at pati na rin ang kapwa campus journalists na taas noong nirepresenta ang kanya-kanyang rehiyon, at pinasasalamatan ang iba pang tao sa likod ng kaniyang tagumpay na lagi’t laging nariyan upang bigyan siya ng lakas na tumayo at harapin ang mga hamon ng buhay. 

Sa temang “From Campus Journalism to Real-World Journalism: Shaping Minds from Schools to Societies,” matatandaang binago ng Department of Education (DepEd) ang sistema sa pisikal na pagbabalik nito ngayong taon dahil ang tanging nangungunang nagwagi lamang sa indibidwal na kategorya sa bawat rehiyon ang may tsansang lumaban sa nasyonal na lebel.

Sa kasalukuyan, si Jaja ay nasa senior high school sa University of Saint Anthony (USANT) at aniya ay sasalang muli sa susunod na taon sa patimpalak, ngunit sa pagkakataong ito, mas matatag pero puno pa rin ng pangarap. | Christine Angeli Naparato

IMG 0952
IMG 0954
IMG 0953

Photos: Jascyl Jee Sayson

Share