Kilala at isa sa mga produktong ipinagmamalaki ng mga taga- Vinzons, Camarines Norte ang angko.
Ang angko ay isang uri ng kakanin na may pagkakahambing sa Japanese mochi at gawa sa malagkit na bigas, mani at traditional raw sugar.
Isa sa mga kilalang gumagawa ng angko ay ang ‘Marivic Native Delicacies’ sa Vinzons, Cama Norte.
Ayon sa may-ari nito na si Marivic Balane, 56 taong gulang, minana niya sa kaniyang mga ninuno ang paggawa ng angko na ilang henerasyon na ring naipasa.
Sa ngayon ay may ilang tauhan si Marivic na kaniyang katuwang sa paggawa ng angko. Pero hangad niya na magkaroon ng bagong makinarya upang mas mapabilis ang proseso ng paggawa ng kakanin at nang matugunan ang demand ng mga mamimili.
Si Nanay Marivic ay itinanghal na Vinzons Master Chef (Kategorya ng Angko) noong 2012 dahil sa kaniyang husay sa pagtataguyod ng tradisyong ito.
Noong 2015, nagwagi ito ng ikalawang puwesto sa kompetisyon ng palakihan ng sukat at timbang ng angko sa bayan ng Vinzons at hanggang ngayon ay kinikilala pa rin sila sa kanilang tradisyonal na proseso sa paggawa nito gamit ang gilingang bato na ginagamitan ng makina.
Mula noon hanggang ngayon ang paggawa ng angko ay patuloy na umiiral at nakikilala hindi lamang sa lalawigan ng Camarines Norte kundi maging sa ibang probinsya.
Mabibili ang angko sa food production area ng Marivic Native Delicacies sa Brgy. III, Vinzons, Camarines Norte, at sa ilang piling pasalubong center na nagkakahalaga ng 15 pesos para sa kada balot ng maliit na angko at 530 pesos naman para sa 100 piraso ng malaking angko sa bilao. | Jeric Lopez
Photos: Marivic Native Delicacies