“GRADUATE WITH AUNOR!”

Good vibes ang hatid ni Nathanael “Nathan” Kris Pontillas sa isang post sa katatapos lamang na graduation ceremony ng Camarines Sur Polytechnic Colleges (CSPC) sa Nabua, Camarines Sur nitong Martes, Hulyo 4, dahil sa hawak niyang tarpaulin na may mukha ng bikolanang aktres na si Nora Aunor habang nasa entablado.

Ayon sa 22 anyos na si Nathan na nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Mechanical Engineering, nakagawian niya na ang gumawa ng pakulo tuwing graduation o recognition ceremony mapa-online o offline man, kung kaya’t marami raw ang nag-aabang sa kanyang gagawin ngayon taon.

“Ilang beses na rin ako nagte-trending to the point na umabot ako sa national TV. […] Naisip ko na ang gagawin ko ngayon ay simple lang—graduate with Aunor. Hindi man ako nag cum laude, at least graduate ako with Aunor,” paglalahad nito. 

Aniya hindi raw siya ang unang nakaisip ng naturang joke dahil kumuha lamang siya ng ideya sa nakita niyang Facebook post noon na talaga namang ikinatuwa niya.

Dagdag pa niya, naniniwala siya na iba-iba ang academic journey ng bawat estudyante, ang mahalaga raw ay tanggapin ng bawat isa ang sariling landas at sulitin ang mga kakayahan at karanasan sa buhay. 

“Never lose faith. Naniniwala ako dun sa quote sa Naruto na ‘People’s lives don’t end when they die. It ends when they lose faith,’ kaya kahit anong mangyari, kapit lang at ‘wag bibitaw. Dahil sa huli, makukuha mo rin talaga ang gusto mo at ang mga pangarap mo,” saad nito.

Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 3,900 reactions at 1,000 shares ang naturang post sa Facebook. | Christine Angeli Naparato

Courtesy: Vencel Sanglay

Share