Isang lalaki sa Barcelona, Sorsogon patay sa pananaksak, suspek arestado

Dead on arrival sa ospital ang isang lalaki matapos ang nangyaring pananaksak sa Brgy. Poblacion Sur, Barcelona, Sorsogon bandang alas-singko bente ng hapon nitong Biyernes, Hunyo 9.

Kinalala ng mga awtoridad ang biktima na si Jose Collantes, habang ang suspek ay natukoy at kinilalang si Doroteo Fortes alias “Dort”, 64-anyos, isang STL Collector na parehong residente ng nasabing lugar.

Sa report ng mga awtoridad, bandang alas-5:27 ng hapon nitong Biyernes nang may nagbigay sa kanila ng impormasyon patungkol sa pananaksak.

Naabutan nilang nakabulagta ang biktima sa nasabing lugar kung saan nangyari ang insidente.

Agad naman rumesponde ang Barcelona Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office upang maidala sa Gubat District Hospital ang biktima pero sa kasamaang palad ay binawian din ito ng buhay dahil sa tinamong mga sugat sa ibat-ibang parte ng katawan.

Ikinasa ang Hot Pursuit Operation ng Barcelona Municipal Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek sa Brgy. Luneta, Barcelona.

Nakuha ang 59 cm. na bolo sa suspek na posibleng ginamit ng suspek sa pananaksak.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga pulis ang suspek. | Ralph Kevin Balaguer, Joey Galicio

Share