LEGAZPI CITY – Kaugnay ng naka-ambang panganib na idudulot ng nagbabadyang pagsabog ng Bulkan Mayon sa Albay, halos 2,400 na pamilya o 10,000 individuals na nasa loob ng six (6) kilometer danger zone ang maaapektuhan at isasailalim sa forced evacuation simula bukas, Biyernes, Hunyo 9.
Ayon kay Dr. Paul Alanis, resident volcanologist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PPHIVOLCS) Legazpi, lahat ng lugar na nasa loob ng permanent kilometer danger zone ay delikado nang pasukin lalo na ang mga barangay sa upper slopes ng Camalig, Daraga, Legazpi, at Sto. Domingo.
“Any area in the permanent kilometer danger zone is a dangerous area yun, pero right now ang prefered direction ng volcanic material kun saan sila pumupunta ay sa bandang south at southeast ng volcano. Yung mga bayan at barangay sa upper slopes ng Camalig, Daraga, Legazpi and Sto. Domingo,” pahayag ni Alanis.
Ayon pa kay Alanis, lahat na naitalang aktibidad ng bulkan ay halos rockfall o mga nahuhulog na bato galing sa lava dome ng Mayon at pyroclastic density current na tatlong beses nangyari kaninang umaga lamang.
“Kanina meron tayong tatlong pyroclastic density current na nangyare, this is due to malalaking tipak na mula sa lava dome ang nahulog, at ito ngayon ang gumulong pababa,” saad ni Alanis.
Kaninang tanghali, itinaas na sa alert level 3 ang kalagayan ng bulkan Mayon na sa kabuuan ay nakapagtala na ng 267 rockfall events at pyroclastic density current sa Bonga gully at Basud gully na matatagpuan sa timog-silangan at silangan ng bulkan.
Forced evacuation
Nagsagawa bandang ala-1 kaninang hapon ng emergency meeting ang cluster response team ng Albay patungkol sa kahandaan ng probinsya dala ng pagtaas ng antas ng kalagayan ng bulkan.
Ayon kay Eugene Escobar ng Albay Provincial Public Safety and Emergency Management Office (Apsemo), sisimulan na bukas ang forced evacuation sa 2,400 na apektadong pamilya na nasa loob ng six (6) km. radius danger zone ng bulkan Mayon.
Tinitingnan rin ang aspekto ng paglala ng sitwasyon ng bulkan Mayon at isinasaalang-alang din ng cluster response team ang posibilidad na pagpapatupad pa ng evacuation sa mga pamilyang nasa loob ng seven (7) km. radius danger zone kung saan aabot sa 16,000 individuals o 4,600 na pamilya ang posibleng maapektuhan kung sakaling lumala pa ang kalagayan ng bulkan.
Samantala, may nakalaan namang 30M na calamity fund ang provincial government ng Albay bilang paghahanda sa panganib na dulot ng maaaring pagputok ng bulkan.
Naghahanda naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng relief packs na ibibigay sa bawat pamilyang apektado sa kasalukuyang sitwasyon ng bulkang Mayon.
Sa kasalukuyan, mayroon ng nakahandang 52,000 foodpacks ang nasabing kagawaran at inaasahang may darating pang 50,000 relief packs para matugunan ang pagkaing pangangailangan ng mga evacuees. I Arvie Bediones