Kooperatibang ALBAFAI, katuwang ang EDC sa pagsulong ng mga proyekto

Iba’t ibang proyekto ang isinusulong ng mga miyembro ng Alliance of BacMan Farmers Association Incorporated (ALBAFAI) katuwang ang Energy Development Corporation (EDC) na mula sa mga munisipalidad ng Manito, Albay at Bacon, Sorsogon. 

Ayon kay Arsenia Boter, general manager ng naturang kooperatiba, nagsimula bilang isang pederasyon ng mga magsasaka ang ALBAFAI taong 2005, at nitong 2021 lamang nang ganap itong nairehistro bilang isang kooperatiba.

Dagdag pa nito, itinaguyod nila na maging kooperatiba ang ALBAFAI sapagkat nalilimitahan noon ng kanilang non-stock registration ang pakikipagsosyo sa EDC na nagbibigay ng proyekto sa naturang kooperatiba kagaya na lamang ng reforestation project.

“Habang tumatagal medyo gusto din namin pumasok sa mga kontrata dito sa EDC kaya lang hindi nga pwede kasi non-stock kami, registered kami as non-stock, pero kahit na ganon, may mga project si ALBAFAI na dinidirect award ni EDC gaya ng mga reforestration project,” saad nito.

Bukod sa reforestation project, nagtulungan din ang ALBAFAI at EDC sa pagbuo ng halos 198 ektarya na mangrove forest sa Manito, Albay.

Ayon kay Joey Africa, isang forest patroller, napakahalaga ng proyektong ito sapagkat nagsisilbing proteksyon ang bakawan ng mga kabahayan na malapit sa dagat.

“Mahalaga ito kasi nasa gilid tayo ng dagat. Pwede din namin ipamana ito sa next generation. Ikinakatakot lang namin pagdating ng panahon sa libro na lang ‘yun makikita,” saad nito. 

Ang mangrove forest na ito ay prinoprotektahan ng sampung forest patrollers mula sa nasabing kooperatiba.

Para naman kay Juancho Daep, isang forest patroller, hindi lang pagbabantay at pagsasagawa ng survey sa mga mangrove forest ang kanilang trabaho, sila rin ay nagsasagawa ng clean up drive upang masiguro na maalis ang mga basura na inanod at nakasabit sa mga bakawan.

“Kung titingnan po natin sa labas [ang mangrove forest], masyado pong maganda pero during patrol na ginawa namin, may mga nakita kami na illegal cutting na nangyayari and then, hindi lang po ‘yung pag illegal cutting, so andyan na rin po yung mga garbage na inaanod, so hindi lang po kami nagpapatrol… clean up drive na rin,” dagdag pa nito.

Maliban sa mga proyektong pangkapaligiran, mayroon ding canteen ang ALBAFAI na nagsimula noong 2021 na kung saan ang mga paninda, katulad ng gulay at isda, ay kadalasang galing mismo sa mga miyembro ng kooperatiba.

Sa ngayon, mayroong 52 rehistradomg miyembro ang naturang kooperatiba. | Aubrey Barrameda

IMG 7625
IMG 7599
DSC06184
IMG 7672 2
IMG 7664
IMG 7693
IMG 8101
IMG 8130
IMG 8150

Photo courtesy: EDC

Share