Fil-Am, Bicolana judge, ibinahagi ang kahalagahan ng child abuse prevention, foster care awareness

Daraga, Albay — Sa programang “Ano na, Bev?” ng PHLV Radio noong Mayo 10, ibinahagi ni Judge Mari Parlade ang makabuluhang talakayan patungkol sa pangangalaga sa karapatan ng mga naabusong kabataan.

Si Judge Parlade ay Filipino-American na tubong Daraga, Albay. Siya ay kasalukuyang judge sa Department A ng Nevada 8th Judicial District Court Family Division sa Las Vegas, Nevada.

Ayon kay Judge Parlade, sa panayam ni Bev Llorente, isa sa mga rason kung bakit nakakaranas ng pang-aabuso ang mga kabataan ay dahil sa iba’t ibang social at environmental conditions sa kanilang pamilya gaya ng mental health, bisyo sa droga at iba’t ibang mga stressors sa buhay.

Kahit wala sa Pilipinas, maraming kaso na rin ang kanyang nahawakan, partikular sa kanyang mga kababayang naroroon sa Las Vegas.

Bilang isang children’s attorney, naging boses ito ng mga kabataang biktima ng sexual abuse, pananakit ng magulang at mga batang inabandona ng kanilang pamilya.

Ayon sa kanya, mahalagang maipadama sa mga kabataan na meron sa kanilang magtatanggol at susuporta sa mga pangangailangan at karapatan nila.

Mas binigyang diin pa ni Judge Parlade sa programa ang sistema ng foster care awareness at hinikayat ang lahat na tumayo, suportahan at maging tulay ng pag-asa para sa mga kabataang nangangailangan ng pagmamahal at pag-aaruga bilang isang magulang na poprotekta at magbibigay sa kanila ng mapayapang buhay. | Jeric Lopez

Share