Takot at pangamba ang naramdaman ng mga mag-aaral, guro, at personahe ng Locso-an Elementary School nang marinig nila ang sunod-sunod na putok ng baril at pagsabog ng bomba sa naganap na engkwentro sa pagitan ng Philippine Army at MOL 11 Communist NPA Terrorists malapit sa kanilang paaralan sa Brgy. Locso-an, Placer, Masbate, alas siyete ngayong umaga, Marso 22.
Ayon kay Bernadette Borbe, guro sa nasabing eskwelahan, kumukuha lamang sila ng mga litrato para sana sa pakikiisa sa Women’s Month nang magimbal sila sa tunog ng pagsabog ng bomba at putukan ng mga baril malapit sa paaralan.
“”Nang marinig namin yung bomba tsaka putukan, pumasok kaming lahat sa classroom at sinara yung pinto,” saad ni Borbe.
Lahat ng tao na nasa loob ng sa eskwelahan ay nagsitakbuhan papasok ng klasrum para magtago matapos marinig ang putukan.
Bagamat walang naitalang nasaktan o nasugatan sa mga mag-aaral ay nanginginig pa rin si Borbe kapag naaalala ang sinapit niya at ng kanyang mga mag-aaral sa loob ng paaralan habang nangyayari ang putukan.
“Nangininig pa rin po kami sa takot. Malapit lang sa school yung nangyari [insidente],” pahayag ni Borbe.
Ligtas namang nakauwi sa kani-kanilang bahay ang mga mag-aaral ng nasabing eskwelahan.
“Hinintay po namin yung mga magulang ng mga bata na makuha sila bago umuwi. Safe po sila (silang) nakauwi…Wala naman po(ng) (nasaktan o nasugatan). Thanks God,” saad pa ni Borbe.
Samantala, sa press conference na isinagawa ngayon ng Department of Education (DepEd) Region 5 para sa paghahanda sa 2023 Bicol, iniutos na umano ni DepEd Bicol Regional Director Gilbert T. Sadsad sa superintendent ng DepEd Division ng Masbate, na isuspende na muna ang face to face na klase sa naturang paaralan.
“Kung talagang di pa ma-clear yung area, they have to suspend. But when you say, suspend, we suspend the face to face classes, but yung mga modules natin na nadistribute noon pang February, ay yon dapat ang pag-aralan. Sa bahay na muna,” wika ni Sadsad.
Kung makakapagsagawa rin ng programa o intervention para mawala ang takot ng mga mag-aaral sa nasabing insidente ay dapat umanong gawin ng Division ng Masbate ayon pa kay Sadsad.
Ayon naman sa inisyal na imbestigasyon ng Placer PNP, dalawang (2) miyembro ng Philippine Army ang naiulat na sugatan samantalang walang naitalang impormasyon kung may namatay o nasugatan sa panig ng NPA.
Patuloy pa rin sa pag-secure sa lugar ng pinangyarihan ng engkwentro ang mga awtoridad at kasalukuyang ding isinisagawa ang follow-up operations para sa naturang insidente.
Ang insidenteng ito sa Placer ay ikalawang engkwentro na ng Philippine Army laban sa NPA na naitala sa probinsya ng Masbate kung saan kahapon din ay may nabalitang putukang naganap malapit din sa eskwelahan sa bayan ng Cawayan. | Arvie Bediones