Naiuwi ng full-packed Albayano Bicol Sikaran Team ang 21 gintong medalya, 11 pilak na medalya at 14 tansong medalya mula sa 60th Sikaran National Tournament (National Team Selection) na ginanap sa Baras, Rizal noong ika-19 ng Pebrero.
Napasakamay ng Team Bicol ang 15 gintong medalya sa Tunggali event. Nanguna rito sina Carl Justin Carale Esmabe, Randolph Delos Reyes, Noel Abrigo, Ahron Senining, Teresa Mae Senining, Levine Joy Dawis, Ralph Laurence Melgar, Daron Balaybo, Armand Jay Nayve, Gerson Moyano Atos, Lawrence Nate, at John Ric M. Bergancia.
Tatlo naman ang defending champions mula sa nakaraang Sikaran Tunggali, pinangunahan ito nina Elijah Aban, Pearl Tagros, at Angelica Senining.
Silver medalist naman sa magkaparehong event sina John Paul Manrique, Mathew Nieva, Jayson Nacion, Andrie Samantela, Ysavielle Abasola at Irish Mae Agao.
Hindi nagpahuli ang mga bronze medalist na sina Angelo Senining, Karl Vincent Atento, Roy Kenneth D Obido, Reynan Ballester, Mary Faustine Bataller, Joseph Stewart Echaluce, Amanda Joyce Nayve, Rolando Vasquez, Yves Vasquez, Nhian Nicole Obido, at Mathew Nieva.
Sa Sikaran – Balangkas event ay hinakot din ang mga medalya ng tinaguriang mga oragon; gintong medalya ang nakuha nina Rico Bergancia, Rafael Abainza, Angelica Senining, Angelo Senining, Carl Justin Esmabe, at Aubrey Joy Tandog. Silver medalists naman sina Teresa Mae Senining, Levine Joy Dawis, Amanda Joyce Nayve, Nicole Obido, at Aubrey Joy Tandog. Inuwi naman ang bronze medal nina Angela Balaybo, Daron Balaybo at Joseph Stewart Echaluce.
Ayon sa team captain na si Angelica Borbon, hindi nila inaasahan ang tagumpay na ito dahil kulang din umano sila sa paghahanda.
“Actually unexpected ‘yong success ng Team Bicol, kasi kulang sa preparation 2 months training lang po. Kaya sobrang saya namin dahil lahat ng players ng region V naka uwi ng medalya. Madaming positive feedbacks din ang sinabi sa amin, sobrang lakas daw ng Team Bicol kasi karamihan po na laban knock down and may mga knock outs po,” ani Borbon sa isang panayam sa Bicol.PH.
Pinamagatang “Battle of the Champions” ang patimpalak ng Sikaran Brotherhood of the Philippines.
Sasabak naman sa mas mataas na antas ng kompetisyon ang lima sa Team Bicol upang makipagtunggali sa Thailand sa December 2023.
Mensahe ni Noel Abrigo (gold medalist) sa mga gustong matuto ng Sikaran, “Sa mga taong gustong matuto ng Sikaran ay kailangan muna nilang disiplinahin ang kanilang mga saliri dahil ang disiplina ang pinaka-importante upang matuto tayo ng martial arts… At higit sa lahat pagmamahal sa martial arts na ito dahil kung mahal mo talaga ang sikaran kailangan mo itong isa buhay at isa puso.” I Ralph Kevin Balaguer
Photos: PIA Albay