PLACER, MASBATE – Sa muling pagbubukas ng turismo sa probinsya ng Masbate, binuksan na rin muli ng bayan ng Placer ang pinaka-aabangang Himag-Ulaw Festival ngayong taon.
Nasa ika-29 taon na magmula noong taong 1994 nang unang pinasinayaan ang selebrasyon ng Himag-Ulaw, ito ay tumatayo bilang selebrasyon ng masaganang ani ng naturang lokal.
Limang paaralan ang masiglang nakilahok sa street dance presentation sa naturang munisipalidad. Ito ay kinabibilangan ng Institute of the Orient, Southern Masbate Roosevelt College, Placer Public High School, Placer East District, at Placer West District.
Ayon kay Rudy Villanueva, Municipal Planning and Development Coordinator ng naturang selebrasyon, hindi nila inaasahan ang ganito karaming bisita dahil na rin sa kakulangan sa oras ng kanilang preparasyon para rito at ang mangilan-ilan pa ring restrictions mula sa ibang ahensiya.
Isa sa mga bisita ng pagdiriwang si Department of Tourism (DOT) V Regional Director Herbie Aguas na inilahad naman ang kaniyang kasiyahan sa muling pagbubukas ng turismo sa lugar.
“This is one way of saying na we are open and we are now a survivor of the past pandemic. For two years we were at the dark side of the tourism industry,” saad nito.
Inanyayahan naman ni Mayor Dondon Dumaron ang mga nais pumunta sa kanilang lugar na tikman ang mga natatangi nilang seafoods at bisitahin ang mapayapa nilang komunidad. | Danica Roselyn Lim
Photos: Renato Jao & Danica Roselyn Lim