Niyanig muli ng dalawang malakas na lindol ang lalawigan ng Masbate ngayong araw, Pebrero 17. Hiwalay pa rito ang mga aftershocks na ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ay umabot na sa mahigit tatlong daan (300). Ang bilang ng aftershocks na naiulat ay simula noong yanigin ng magnitude 6.0 na lindol ang lalawigan noong Pebreo 16 hanggang kaninang alas-5 ng umaga.
Nangyari ang unang malakas na pagyanig kaninang alas 5:38 ng umaga na may magnitude 4.8 habang ang pangalawa ay dakong 9:54 ng umaga na may magnitude 4.3.
Ilan sa mga pinsalang iniwan ng nasabing pagyanig ay ang pagkasira ng ilang mga classrooms sa paaralan, pagkasira ng ilang bahagi ng simbahan, kalsada, at mga hairline cracks sa ilang bahay at gusali.
Dahil rito ay agad na sinuspindi ang pasok sa mga paaralan sa mga opisina ng gobyerno ng Milagros, San Fernando, Batuan at Masbate City.
Nauna nang sinuspindi ang pasok sa eskwela sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong eskwelahan sa boung lalawigan upang mapabilis raw ang inspeksyon sa mga istruktura ng mga paaralan.
Samantala, nananatiling alerto ang mga rescue teams, response team, mga otoridad habang patuloy ang nararanasan na mga aftershocks. | Mayet Marcayda (with reports from: Las PiƱas, Balde, Lim, Baluis& Frilles)
Photos: MDRRMO San Fernando