LEGAZPI CITY- Dahil umano sa sunod-sunod na pag-ulan nang halos isang buwan, tumaas ang kaso ng diarrhea sa Castilla, Sorsogon, ayon kay Municipal Health Officer Dr. Melquiades Boque Jr. sa panayam ng Bicol.PH nitong Lunes, Pebrero 13.
Ani Boque Jr., kapag umuulan posibleng bumaha sa mga lugar at maaaring lahat ng dumi ay kumalat na siyang dahilan kaya nagkakaroon ng maruming tubig na puwedeng mapunta sa mga pinagkukunan ng tubig ng mga residente.
Noong Pebrero 3, nagpulong-pulong ang ibat-ibang komitiba kasama ang alkalde ng Castilla na si Bong Mendoza, pati ang Department of Health (DOH) para mapag-usapan ang mga hakbang na dapat gawin upang masugpo ang problemang-pangkalusugan na ito.
Umabot na sa 148 ang kaso ng diarrhea sa ibat-ibang barangay ng nasabing munisipalidad. Namigay na rin ng chlorine ang DOH sa Municipal Health Office (MHO) ng Castilla para maipamahagi sa mga tao upang maiwasan ang pag-inom ng maruming tubig. “Magpakulo ng tubig, pinakamababa 3 minutes. Kumukulo ha hindi lang uminit bago nila inumin ang tubig,” paalala ni Boque Jr.
Bukod sa short-term solution na paggamit ng chlorine, nananawagan ang MHO sa lokal na pamahalaan na ayusin ang mga pinagkukunan ng tubig at ipatupad na ang environmental sanitation code ng Castilla na naglalayong lahat ng magpapatayo ng source of water na pang-bahay ay dapat lagpas ng 25 meters sa septic tank.
Imumungkahi rin nila sa LGU na dapat magkaroon na ng regular water sampling, kahit pa medyo magastos ito. “Siguro kung makapag (suggest) tayo para mapondohan ito, libre sa mga bahay mas maganda siguro. Pero hindi ganoon kadali kasi magastos ito 400 pero solve, ayan siguro hahanap ng paraan,” ani Boque Jr.
Ayon pa rin kay Boque Jr., sa ngayon ay bumababa na umano ang kaso ng diarrhea sa bayan ngunit, pinapayuhan ng Castilla RHU ang mga residente ng nito na humingi sa kanila ng chlorine para maturuan sila kung paano maglagay nito sa kanilang tubig na iinumin.
Kung magkaroon raw ng sintomas ng pagtatae, kumonsulta agad sa clinic, health center na pinakamalapit sa lugar, o magpunta sa ospital at huwag nang hintayin na mapunta pa sa dehydration ang nararamdaman. | God Frey Las Piñas
Photos: Castilla PIO