BU arki student, ehemplo sa larangan ng visual arts

LEGAZPI CITY – Hinahangaan ngayon ang mga obra ni Jandel Tuazon, isang Bicol University student at visual artist mula sa Guinobatan, Albay dahil sa taglay nitong talento sa larangan ng pagpinta at pagguhit.

Tila ekspertong maituturing ang young artist na si Tuazon dahil sa kanyang mga detalyadong obra na tampok sa kanyang Facebook account na siyang umani ng mga positibong reaksyon mula sa netizens.

Matagal nang pangarap ng 19-anyos na si Tuazon ang kursong Bachelor of Science in Architecture kaya naman laking tuwa niya nang sa wakas ay natupad na rin ang isa sa kanyang mga mithiin.

“Nag-architecture po ako dahil aligned po ‘yong skills ko sa course na ito and dream course ko po talaga [ang BS Architecture] at visual artist din po kasi ako,” aniya sa panayam ng Bicol.Ph.

Lumaki si Tuazon sa payak na pamumuhay. Ang kanyang ina ay tindera sa kanilang munting sari-sari store habang ang kanyang ama naman ay nagtatrabaho bilang isang barangay tanod. Bunso si Tuazon at kanyang kakambal na babae sa limang magkakapatid.

Ayon kay Tuazon, hilig niya na talaga ang sining noong nasa elementarya pa lamang siya hanggang sa nadiskubre ng kanyang guro ang potensyal niya sa pagguhit.

“Mas lalo pong [nahasa iyong] talent ko noong tumuntong po ako ng highschool. Mas nahubog po iyong skills ko po pagdating sa sining because of my teachers po who [guided me] po sa mga tekniks po pagdating arts,” saad pa ni Tuazon.

Upang makatulong din sa kanyang pag-aaral, ginagamit ni Tuazon ang kanyang talento sa pamamagitan ng pagguhit ng larawan para sa iba sa tuwing may libre siyang oras ngunit mas prayoridad niya pa rin ang kanyang pag-aaral.

“Sabi nga [ng director namin], ‘huwag mawili sa pag-co-commission dahil mas okay pa rin na may profession baling araw [dahil] may assurance doon na magkakaroon ka ng client,’ ” ani Tuazon.

Ngunit inamin niyang nahihirapan siya kapag nagsasabay-sabay ang kaniyang mga gawaing pampaaralan at responsibilidad bilang visual artist kung kaya’t minsan may mga bagay na kinakailangan niyang isakripisyo.

“Syempre po priority ‘yong academic [kaya] may na-sa-sacrifice sa pagiging visual artist halimbawa po sa pagsali ko sa mga contest. Minsan po may important talagang [projects sa school] kaya hindi maiwasang hindi dumalo [sa mga contests],” ani Tuazon.

Isa sa mga problemang kinakaharap din ni Tuazon ngayon bilang visual artist ay ang mga nagtataasang presyo ng mga art materials.

“Ang problema lang po talaga, ang pricing po ngayon kumpara po sa dati, mas nagmamahalan po [ang mga art materials],” ani Tuazon.

Batak man sa mga patimpalak sa local at national level, isa sa mga hindi malilimutang karanasan ni Tuazon ay noong sumali siya sa Luzon Pandayan poster making contest kung saan isa siya sa top 50 finalist laban sa dalawang libong kalahok sa paligsahan.

“Doon po ako mas lalong nakilala ng karamihan po…malaking oportunidad po ‘yon, eh. Mas maraming nakaka-appreciate ng gawa mo, mas nakakatuwa po,” saad ni Tuazon.

Maliban sa digital arts, lahat ng medium sa visual arts katulad ng acrylic, oil, at watercolor painting gayundin ang graphite at charcoal drawing ay nasubukang nang gawin ni Tuazon.

‘𝗛𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗸𝗮𝗺𝗶 𝘃𝗶𝘀𝘂𝗮𝗹 𝗮𝗿𝘁𝗶𝘀𝘁 𝗹𝗮𝗻𝗴’

Katulad ng ibang pursigidong mag-aaral, pangarap din ni Tuazon na makatulong sa kanyang pamilya balang araw upang matumbasan ang sakripisyong ibinibigay ng kanyang mga magulang.

Masaya si Tuazon na suportado ng kanyang mga mahal sa buhay ang pasyon niya sa pagpipinta at pagguhit na kung saan nagbibigay rason sa kaniya upang mag-patuloy pa sa tinatahak niyang landas.

“Very supportive naman po sila pagdating naman sa mga ginagawa ko lalo na sa mga competitions po. [Sa mga ganoong bagay po], mas na-b-boost pa po ako na lalo pang galingan po sa mga susunod pang mga competitions,” saad pa ni Tuazon.

Aniya, sa pamamagitan ng visual arts ay naipahahayag niya nang mabuti ang kaniyang tunay na nararamdaman.

“Hindi kami basta nag-d-drawing lang kundi dito po namin ine-express iyong emosyon namin po. Kumbaga sa mangtutula, parang sinusulat namin ang nararamdaman namin through drawings po, through arts po. Hindi lang po kami isang visual artist lang, visual artist po kami,” saad ni Tuazon.

“Napakasarap po sa pakiramdam bilang visual artist na mahangaan iyong gawa mo kahit hindi naman talaga iyon ang purpose mo. Gusto mo lang mag-express ng emotions mo [but] not to impress others. Parang bunos nalang po bilang visual artist po.”

Malaki ang pasasalamat ni Tuazon sa mga papuring natatanggap niya mula sa mga humahanga sa kaniyang mga obra. I Nicole Frilles

IMG 6105
IMG 6102
IMG 6103
IMG 6106
IMG 6107
IMG 6108
IMG 6101
IMG 6104

Photos: Jandel Tuazon

Share