1 kalabaw patay nang makuryente sa Sorsogon; mag-asawang may-ari nito maswerteng nakaligtas

Patay ang isang kalabaw matapos nitong maapakan ang naputol na kable ng kuryente na nalaglag sa daanan kahapon, Enero 26 sa Brgy. Aguada Sur, Magallanes, Sorsogon. 

Maswerte namang hindi nakasakay ang mag-asawang senior citizen na sina Rogelio Dioneda at Eleza Dioneda na galing umano sa palengke at lulan ng kalabaw ang mga pinamili nila. 

Ayon sa anak nilang si Ronnie Dioneda nagkaroon umano ng maiksing brownout sa kanilang lugar na hinihinalang naging sanhi ng pagkaputol at pagkalaglag ng kable ng kuryente sa may daanan. 

Nananawagan naman si Ronnie sa Sorsogon Electric Cooperative (SORECO) 1 na matulungang mapalitan ang kalabaw ng kanyang mga magulang na ginagamit umano sa paghahanapbuhay. 

“Kahit sabihin nilang aksidente ang nangyari ay sana mabigyan nila ng tulong ang aking magulang na makabili ulit ng kalabaw. Dahil kahit aksidente yun tingin ko meron din silang kapabayaan. Mahirap lang po kami at katuwang ng pamilya ko sa hanap buhay ang kalabaw na ‘yon,” saad ni Ronnie.

IMG 5934

Photos: Ronnie Dioneda

Share