Ikatlong araw na ngayon na pinaghahanap ang dalawang mangingisda matapos na tumaob ang kanilang bangka noong Enero 16 pasado alas syete ng gabi sa bahagi ng Canimog, Mercedes, Camarines Norte.
Ayon sa Mercedes MDRRMO, sakay ng bangka ang labing dalawang mga mangingisda at halos dalawang kilometro na lamang raw ang layo ng bangka sa dalampasigan nang tumaob ito.
Nakaligtas naman ang sampung sakay ng bangka na lumangoy papunta sa dalampasigan at napadpad sa mga katabing barangay.
Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin mahanap sina Alex Toyado, 63 taong gulang at Jomar Alcayde, 49 taong gulang, na parehong residente ng Mercedes.
Kwento ng isa sa mga nakaligtas na mangingisda, pauwi na raw sila nang biglang may napakalaking alon na sumalpok sa kanila. Bago pa man raw sila maka-recover ay tinamaan ulit sila ng isa pang malaking alon na tuluyan nang nagpataob sa kanilang bangka.
Nahirapan raw ang mga mangingisda dahil napakadilim ng dagat at tanging boses lamang ng bawat isa ang kanilang naging gabay habang lumalangoy papunta sa dalampasigan.
Ayon kay Mildred Abo Reyes ng Mercedes MDRRMO, nakatawag pa si Toyado sa kanyang anak na siya namang humingi ng tulong sa MDRRMO. Pero habang nagpaplano ang Mercedes MDRRMO at Coast Guard sa gagawing rescue operation ay lumangoy na ang sampung mangingisda.
Maalon pa rin daw ang karagatan ng Mercedes hanggang ngayon habang patuloy naman ang pag-uulan sa lalawigan dala ng shear line.
Courtesy: Mercedes MDRRMO