Ni Abdon M. Balde Jr.
Ang Oas ay isa sa mga pinakarelihiyosong bayan sa probinsiya ng Albay. Ayon sa kuwento noong unang panahon, kapag lalaki ang anak ay lubos na nasisiyahan ang mga magulang dahil magkakaroon na ng pari sa pamilya. Kapag babae ang anak ay pagiging guro o maestra ang nasa isip ng mga magulang.
Taos sa puso ang paggunita ng mga Oasnon sa Semana Santa. Lunes Santo pa lamang ay binabalaan na ang kabataan sa paglabas ng bahay, bawal mag-iingay, araw-araw magdasal kapag palubog ang araw. Pag Miyerkoles Santo, lahat ay luluwas ng bayan upang manood ng prosisyon. Bantog ang Oas sa pagkakaroon ng pinakamaraming pasos o karosa at may pinakamahabang prosisyon sa Albay. Mahigit sa apat na pung karosa ang malimit i-prosisyon kapag Semana Santa. Pagdating ng Biyernes Santo, pakapananghalian ay kaagad nang pupunta ang mga tao sa simbahan upang makinig ng “Siete Palabras,” o huling pitong salita ni Kristo. Pagkatapos nito ay kasunod kaagad ang prosisyon na kinatatampukan ng “Santo Intierro”—ang labi ni Kristo na nakasilid sa puno-ng-adornong kabaong.
Kapag palapit ang Pasko ay buo rin ang selebrasyon ng mga Oasnon sa kapanganakan ni Kristo. Ika-15 ng Disyembre nagsisimula ang “Kagharong”. Isa itong ritwal na tinatampukan ni San Jose at ng buntis na si Maria na nananapatan sa mga bahay-bahay sa paghahanap ng matutuluyan, dahil malapit nang isilang si Jesus. Umaawit sila at ang mga kaalalay ng mga himno na nagmamakaawang patuluyin sila ng bahay. Pagkatapos umawit ni Jose at Maria ay may sasagot sa loob ng bahay na nagsasabing puno na sila at sa susunod na bahay na lamang makiusap. Kaya lilipat muli sila ng bahay at uulitin ang ritwal ng panunulyan. Ang Kagharong ay nagpapatuloy hanggang ika-24 ng Disyembre.
Pagdating ng Pasko, ika-25 ng Disyembre ay pinakamagara ang misa sa simbahan bilang pagdiriwang sa kapanganakan ni Jesus. Sa loob ng simbahan ay may belen na hitik sa adorno at palamuti. Naroon sa loob ang sanggol na si Jesus, at sa bungad ay ang mga imahen ni Jose at ni Maria. Pagkatapos na pagkatapos ng misa ay saka lalabas ang Pastores sa Belen sa kauna-unahang pagkakataon, bilang pagsasaya dahil ipinanganak na ang Dakilang Manunubos na si Jesus. Noong ako ay bata pa, dinadayo ng mga kalapit bayan ang simbahan ng Oas dahil sa kakaibang Pastores na mamamasdan nila.
Sa harap ng belen o sabsaban ay labintatlo (13) na Pastores ang sumasayaw. Dalawang hanay ang mga mananayaw at sa gitna nila sa unahan ay ang Kapitana. Makulay ang mga kasuutan, may mga kuwentas na bulaklak at may korona sa itaas ng mahahabang buhok. Bawat isa ay may dalang arko na gawa sa mga talulot ng bulaklak.
Ang himnong inaawit nila ay Espanyol:
Pastores a Belén, /vamos con alegría,/ a ver a nuestro bien,/ al Hijo de Maria.// Allí, allí, nos espera Jesús. /Pastores entrad, /entrad zagales también. //Vamos a ver al recién nacido, /vamos a ver al Niño Emmanuel!
(Pastores sa Belen,/halina’t magsaya /halina sa banal na /Anak ni Maria.// Halina, halina, naghihintay si Jesus /Pastores lumapit / pasok pati mga bata // Tingnan natin ang Sanggol / Masdan ang Sanggol na Diyos natin!)
Ang mga musikong tumutugtog at kasama ng mga Pastores ay may dalang gitara, biyulin at bandorya. Kasama sila ng mga Pastores kapag umiikot sa mga bahay sa buong bayan.
Ang inilalarawan ng Pastores ay ang mga batang pastol sa Bethlehem na binalitaan ng anghel na isinilang na ang Banal na Sanggol na tutubos sa kasalanan ng sangkatauhan. Iiwan nila ang mga tupang binabantayan, pupunta sila sa belen na sinilangan ni Jesus at magbibigay galang. Pagkatapos ay iikot sila sa mga bahay sa buong bayan, at kung minsan ay nangingibang bayan pa sila, upang ibalita at ipagdiwang ang pagsilang ng Banal na Mesias. Ito ang pinakamahalagang ambag ng bayan ng Oas sa probinsiya ng Albay at sa buong Kabikolan.
Ang Pastores o Pastora ay nagsimula kay Doña Demetria Ricato-Reniva na isinilang sa Baryo Mayao, Oas, Albay nang mga huling taon ng pananakop ng mga Kastila. Nakapag-aral siya Colegio de Santa Isabel sa siyudad ng Naga, Camarines Sur sa pangangalaga ng mga madre. Nang makatapos ng pag-aaral ay nagturo siya at napabantog sa pangalang Maestra Metring. Alfabeto at musika ang kanyang itinuturo. Palibhasa may-kaya ang pamilya, naging patron siya ng kultura at sining sa Oas. Isa siya sa kakaunting Albayana na may sariling piano de cola (grand piano).
Ayon sa mga kuwento, siyam na buwan daw sa isang taon na maririnig ang musika at mga pagdarasal sa malaking bahay ni Doña Metring. Deboto siya ng Nuestra Señora de la Paz y Buenviaje at palaging Hermana Mayor sa Flores de Mayo. Kapag Mayo, gabi-gabi ang nobena sa bahay niya at tuloy ay tila nagiging pista ang walang humpay na dasal, kantahan, sayawan at pag-adorno sa mahal na Birhen. Dahil dito, malimit na dinudumog ng mga tao ang kanyang bahay. Siya man ay palaging may handa. Ang mga dumadalo ay palaging may mga katutubong pagkain katulad ng ibus, latik, suman, balisungsong, pakro, binutong at iba’t ibang kakanin katulad ng galyetas, masaplora, turutalinga at iba pa.
Ang paghahanda para sa Pastores ay nagsisimula sa Flores de Mayo. Pinipili ang magaganda at magagaling umawit at sumayaw bilang mga zagala. Sa mga zagalang ito pinipili ang dalawang grupo ng Pastores—may mga bata at may mga dalaginding. Labintatlo ang miyembro ng bawat grupo. Ang pinakamaganda, pinakamahusay sumayaw at kumanta ang nagiging Capitana. Ang mga napipiling Pastores ay totoong ipinagmamalaki ng kanilang mga magulang. Hinahangaan sila ng kanilang mga kalaro at kaibigan. Marami sa kanila ay nananalo sa mga timpalak pagandahan o beauty pageant.
Ang ensayo sa Pastores ay nagsisimula sa pag-awit ng mga himno at kantang Kastila. Ang iba rito ay sinulat at komposisyon mismo ni Doña Metring. Sinasanay niya ang mga miyembro mula sa tamang pagbigkas ng mga salita, eksakto sat ono, nasa tamang boses at magaling magpahiwatig ng damdamin.
Kasunod nito ang ensayo sa pagsayaw, sa saliw mismo ng piano de cola ni Doña Metring. Hindi lahat ng nagsasanay ay nagiging miyembro ng Pastores. Kaya ang buong komunidad ay nananabik na nag-aabang kung sino ang mga mapipili at sino ang mga matatanggal. Ayon sa mga kuwento, ang pamilya ng mga napipili ay naghahanda at nagdiriwang—may pakain pa, na parang pista. Ang mga napili na permanenteng kasali ay kailangang pumunta sa bahay ni Doña Metring dalawang araw sa bawat linggo upang mag-ensayo. Ang iba nga raw ay halos sa bahay na niya nakatira.
Ang mga araw na walang ensayo ay ginugugol ni Doña Metring sa pamimili ng mga musikerong kasama ng Pastores. Ang kalimitang instrumento ay iyong may mga kuwerdas—gitara, biyulin at bandorya. Walang drum, walang gamit na de-koryente, dahil kasama sila ng Pastores kahit sa malalayo at liblib na bahay. Hindi rin puwedeng ilakad sa kalsada’t bahay-bahay ang piano. May isang pamilya sa Mayao na bantog na mga musikero. Ito ang pamilyang Reamucio, na ang ama ay kilala sa bansag na “Maîbug,” o “makapal.” Ang pamilya Maibug at ang mga susunod na henerasyon nito ang magpapatuloy sa tradisyon ng Pastores ng Oasa nang yumao na si Doña Metring.
Pag-pasok ng Oktobre, ang dalawang pangkat ng Pastores ay nag-eensayo na kasama ang musikero sa kalsada. Sinasanay na silang sumayaw sa lupa o kahit sa madamong bakuran. Sinasanay na rin silang maglakad nang malayo. Sa buwang iyan ay mamimili na rin si Doña Metring ng mga tela para sa kasuotan, sandalyas sa paa, at iba pang gamit. Tig-dalawang pares ng damit at sandalyas ang mga miyembro upang matiyak na aabot sa pagdiriwang ng Tres Reyes (Tatlong Hari) sa Enero. Ayon sa mga nakasaksi, mahigpit si Doña Metring sa pangangalaga ng kanyang Pastores. Binabantayan daw ang pagkain, ang kalinisan ng katawan, ang maayos na galaw at lakad, ang pananalita, at pati na rin ang haba ng buhok.
Ang Pastores ay sumasayaw at nananapatan ng bahay sa halos lahat ng baryo ng Oas. Dumadayo rin sila sa ibang bayan, halimbawa sa Polangui, Ligao at Legazpi kapag naimbitahan. Nangungupahan sila ng sasakyan kapag sasayaw sa malalayong bayan. Ang bawat bahay na matapatan ay nagbibigay ng pera, ng kakanin at pinatutuloy at pinakakain pa ang buong tropa. Pag-alis nila ay mayroon pang mga pabaon ang may bahay.
Sumasayaw ang Pastores mula umaga hanggang hapon. Nagpapahinga lamang sa gabi. Pinagkakaguluhan sila ng mga tao kapag dumating sa isang baryo, at malimit ay sinusundan ng mga mamamayan. May mga may bahay minsan na nagdaramdam kapag hindi sila tinapatan at sinayawan ng Pastores.
Patuloy na naging popular ang Pastores sa pagdaan ng mga taon. Nang nawala si Doña Metring ay maraming bumuo ng kanikanyang Pastores sa iba’t ibang baryo ng Oas. Ang pamilya Reamucio ang kaagad nagpatuloy sa sinimulan ni Doña Metring. Nang tumagal ay mayroon na ring Pastores sa ibang bayan. Nagkaroon na ng mga paligsahan sa Pastores—pagandahan ng sayaw, awit at kasuotan. May mga dagdag nang awit at tugtog. Isa sa napabantog na bumuo ng Pastores sa Oas ay si Marichu Rayala-Ravago na maraming ulit na nanalo sa pang-lalawigang patimpalak sa Pastores.
Sa ngayon ay may Pastores sa Belen na patimpalak ang Panrehiyong Sangay ng Turismo at ang Probinsiya ng Albay. Ginagawa ito tuwing Disyembre kasabay ng Karangahan Festival na ginaganap sa liwasan ng Penaranda Park.
Patuloy ang tradisyon ng Pastores sa Belen na sinimulan ni Doña Metring Reniva ng Oas, Albay.
Narito ang isang tula na sinulat ko at binigkas sa pagsimula ng patimpalak sa Pastores sa Belen sa Penaranda Park noong 2014 sa pagtataguyod ng Probinsiya ng Albay at ng Panrehiyong Sangay ng Turismo:
Pastores sa Belen kita magduruman
Sa sadit na harong na igwang sabsaban
Duman sa Bethlehem na kinamundagan
Kan aking matubos kan satong kasâlan.
(Pastores sa Belen tayo ay pumunta/ Sa munting tahanan na may sabsaban/ Doon sa Bethlehem na sinilangan/ ng Sanggol na tutubos sa ating kasalanan.)
Pastores sa Belen ‘mus na baya kita
Maglabar, magsangli, magbado nin pula
Magsukray kan buhok na sagkod abaga
Kuloran an pisnging mamulapula na.
(Pastores sa Belen humayo na tayo/ Maghilamos, magbihis, magsuot ng pula/ Magsuklay ng buhok na abot sa dibdib/ Kulayan ang pisnging namumula na)
Pastores sa Belen isaklay an arko
Na may giringgiting asin telang laso;
An kalo na buri may burak na samno,
Nagmamaris-maris, gabos sagkod kuko.
(Pastores sa Belen isuot ang arko/ Na may telang palamuti at laso/ Ang sumbrerong buri may bulaklak sa paligid/ Makulay lahat hanggang kuko)
Pastores sa Belen iladlad an kapa
Na bulawang burak baga nakaburda;
An maogmang tugtog sabayan nin kanta
Dangan magsayaw nin sayaw sa pag-ogma.
(Pastores sa Belen iladlad ang kappa/ Na gintong bulaklak ang nakaburda/ Ang masayang tugtog sabayan ng kanta/ At sumayaw ng sayaw ng pagsasaya.)
Pastores sa Belen sayaw na magayon
Ikintid an bitis saka tumalibong;
Iliad an piad, tumuwad, tumuron
Iladawang lubos, maogmang panahon.
(Pastores sa Belen sayaw na maganda/ Iindak ang paa saka umikot/ Iimbay ang baywang, tumuwad, tumalon/ Ilarawang ganap ang masayang panahon)
Pastores sa Belen myentras nasa dalan
Sayawan an harong na maaagihan;
Dara an maogmang bareta na ngonyan
Namundag an aking, satong Kagurangnan!
(Pastores sa Belen habang nasa daan/ Sayawan ang tahanang madaraanan/ Dala ang masayang balita ngayon/ Sinilang na ang ating Panginoon)
Pastores sa Belen maogma an kanta
Asin an pagsayaw su magayagaya;
Pastores sa Belen sige lang sayaw pa
Tawan kaugmahan an satuyang banwa!
(Pastores sa Belen masaya ang kanta/ At ang sayaw ay magandang maganda/ Pastores sa Belen sige lang sayaw pa/ Magdulot kasayahan sa ating bayan!)