Kilala ang bayan ng Baras sa lalawigan ng Catanduanes sa surfing kung saan dinarayo ang Puraran Surf Beach Resort.
Pero bukod rito ay matatagpuan rin sa Baras ang naggagandahang mga beach resort.
Sa mga magbabarkada na adventurous at mahilig sa camping, pwedeng bisitahin ang Estanza de Benedicto. Tanaw mula sa burol ang Dagat Pasipiko.
May mga bahay kubo na pwedeng tulugan sa halagang limang daang piso overnight habang 70 pesos naman bawat isa para sa mga nais magset-up ng tent.
Pwede rin na magpaluto gaya ng pugita at shellfish na kung tawagin ay taktakon.
Kung pang-pamilya naman ay bagay na puntahan ang East Coast Resort. Relaxing ang ambience na hatid ng lugar mula sa restaurant nito hanggang sa beachfront.
May floating cottage rin na kasya ang hanggang dalawampung tao para sa boodle fight.
Marami rin ang pagpipilian na mga kwarto kung nais na mag-overnight sa resort. Pinakabagong accommodation na ginagawa rito ay ang barrel house na matatapos raw sa Disyembre.
Aabutin ng isang oras ang biyahe papuntang Baras mula sa Virac, Catanduanes.